WebClick Tracer

NEWS

ID ng mga PWD, hinirit ni Vargas na gawing permanente

Hinimok ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang mga local government units (LGUs) na gawing lifetime o panghabang buhay ang validity ng mga IDs ng persons with disability o PWD na may permanente o pangmatagalang kapansanan.

Ayon kay Vargas, hindi dapat ipagkait sa nasabing mga PWD ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas dahil lamang hindi nila na-renew and kanilang mga ID card. Dahil dito, naghain ng ordinansa ang konsehal na maaaring gawing halimbawa ng ibang bayan at lungsod.

“Ang pagkakait ng mga benepisyong ito dahil sa expired PWD ID cards ay hindi ayon sa diwa ng Magna Carta for Persons with Disability at iba pang mga batas na nagpapalawig sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga may kapansanan,” mungkahi ng konsehal.

Sa pagsulong ng mga patakaran, dapat umanong isaalang-alang ng mga LGUs ang ikagagaan ng pasanin ng mga kababayan nating na may kapansanan, dagdag pa ni Vargas.

Sinabi ng konsehal na habang nauunawaan nya na ang paglalagay ng validity period ay isang safeguard para tiyakin na tanging mga kwalipikado lamang na residente ang makakakuha ng benepisyo, may mga kapansanan na ayon naman sa siyensya at medisina ay hindi nawawala o nababago sa loob ng validity period ng mga PWD card.

“Dagdag pasanin din ito sa mga pamilya ng PWD na hindi nakakariwasa sa buhay, dahil sila ang napipilitang tumustos sa gastos ng gamot, konsultasyon, diagnostics, at iba pang pangangailangan ng PWD habang naghihintay na ma-renew ang PWD card,” ayon kay Vargas.

Sa panukalang ordinansa ni Vargas, ang City Health Department ay kokonsulta rin sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang gumawa ng listahan ng mga kapansanan na maituturing na permanente o pangmatagalan.

“Bilang pangunahing may akda ng ordinansang nagtatag ng PDAO sa lungsod, patuloy nating inaalagaan ang kapakanan ng mga PWDs. Ang panukalang gawing permanente ang PWD ID validity para sa ibang kapansanan ay bahagi ng ating adbokasiya para sa karapatan ng ating kapwang may kapansanan,” pahayag ni Vargas.