WebClick Tracer

NEWS

Mag-asawa sinuwag ng ambulansiya

MALUBHANG nasugatan ang mag-asawang sakay sa tricycle matapos suwagin ng ambulansya habang bumabaybay sa Barangay Sinippil, Reina Mercedes, Isabela noong Huwebes.

Kinilala ang biktimang sina Noel Collado, tricycle driver, at asawa nitong si Rodilyn, kapwa taga District 2, Benito Soliven, ng nasabing lalawigan.

Ang ambulansya naman ay pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes na minamaneho ni Joel Santos, 52, ng Guinatan, City of Ilagan.

Ayon kay Reina Mercedes Police Station (RMPS) chief-of-police P/Maj. Ferdinand Datul, papunta umano sa Santiago ang ambulansya upang maghatid ng pasyente at nang makarating sa Barangay Sinippil, mag- o-overtake sana ito ngunit nahagip ang tricycle ng mga biktima.

Sumadsad ang sinasakyan ng mag-asawang Collado at dahil sa tinamong mga sugat ay nakaratay ngayon sa pagamutan.

Inaalam pa ng pulisya kung may pananagutan ang driver ng ambulansya. (Allan Bergonia)