WebClick Tracer

NEWS

11 milyong plaka atrasado na, tinapyas pa budget

Kinalampag ng isang kongresista ang mga kasamahan niya sa Kongreso para ibalik ang panukalang pondo ng Land Transportation Office (LTO) para matugunan ang napakalaking backlog nito sa mga plaka ng sasakyan.

Sa deliberasyon ng Kamara para sa 2023 national budget, inungkat ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee ang backlog ng LTO sa mga plaka ng sasakyan at motorsiklo na sinimulan aniya noon pang 2014.

Nabatid na ngayong taon ay nasa P6.8 bilyon ang pondong inilaan ng LTO para matugunan ang backlog. Subalit tinapyasan umano ito ng Department of Budget and Management (DBM) ng P2.1 bilyon kung kaya’t nasa P4.7 bilyon na lamang.

Sa pagtatanong pa ng mambabatas sa LTO, inamin ng ahensiya na umaabot pa sa 11.5 milyong plate number ang backlog nito. Kinumpirma rin ng LTO na simula umano noong 2017 ay hindi na pinaglaanan ng pondo ng gobyerno ang pagpapagawa ng mga plaka ng sasakyan.

Labis na ikinadismaya ng kongresista ang mga inilahad ng LTO dahil matagal na aniyang hinihintay ng mga vehicle owner ang kanilang plate number at binayaran na ito subalit hanggang ngayon nganga pa rin sila.

“I’m seriously pushing that we fund this backlog on plate numbers because this is one of the important tools of the government for law enforcement. With the emergence of a number of crimes where escape vehicles are being used, lalo ngayong marami ang nauulat na kidnapping, malaki ang maitutulong nitong pagtapos sa backlog sa mga plaka,” pahayag ni Lee.

Siniguro naman ng LTO na kapag naibigay umano ang hinihingi nilang pondo ay mabubura na ang backlog sa mga nakatenggang plaka sa susunod na taon. (Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID