WebClick Tracer

NEWS

CHED nilinaw suspension ng klase sa kolehiyo

Inatasan ng Commission on Higher Education (CHED) ang lahat ng kolehiyo at unibersidad na sundin ang mga umiiral na panuntunan ng ahensiya hinggil sa suspensiyon ng klase sa kanilang lugar kapag may kalamidad.

Inilabas ni CHED chairman Prospero de Vera III ang pahayag kasunod ng kalituhang idinulot ng Department Order No. 37 ng DepEd.

Ayon kay De Vera, ang mga higher educational institution (HEI) ay matagal nang ginagabayan ng Executive Order No. 66 Series of 2012 gayundin ng CHED Memorandum Order (CMO) No. 15 Series of 2012 para sa suspension ng klase kapag may bagyo, baha at iba pang kalamidad.

Kanselado o suspendido aniya ang klase sa mga apektadong HEI kapag itinaas ang signal no. 3 sa kanilang lugar at inanunsiyo sa iba’t ibang media outlet.

Maaari ring suspendihin o kanselahin ang klase sa kolehiyo, kabilang ang graduate school, base sa desisyon ng mga namumuno sa local government unit o pinuno ng HEI kung kakailanganin sa panahon na may pagbaha at iba pang kalamidad.

Pinayuhan din ni De Vera ang mga HEI na i-monitor ang mga anunsiyo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa panahon ng mga kalamidad at sakuna. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID