WebClick Tracer

NEWS

P5.2 trilyon budget lusot sa Kamara

Ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang unang budget na ginawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkakahalaga ng P5.2 trilyon.

Sa botong 289 pabor, tatlong tumutol, at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang 2023 General Appropriations Bill (House Bill 4488).

Ginawa ito ilang minute matapos aprubahan ang panukala sa ikalawang pagbasa.

Sinertipikahan ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na agad na ipasa ang hinihingi nitong budget.

Walang naging committee amendment sa panukala.

Sa period of individual amendments, naghain ng mosyon si House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe na bumuo ng komite na siyang tatanggap ng mga individual amendment.

Inaprubahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mosyon matapos na walang magpahayag ng pagtutol dito.

Inaasahang isusumite na ng Kamara ang 2023 national budget sa Senado na magpapasa rin ng kaparehong panukala. Inaasahan naman ang pagpapatawag ng pulong ng bicameral conference committee upang ayusin ang pagkakaiba ng dalawang panukala bago ito maipadala sa Malacañang. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID