WebClick Tracer

OPINION

Huli na sa balita?

May mga naaliw at may mga nainis na mga ayudanatics nating kurimaw sa inilabas na kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsasaad na puwede na raw ulit ang mga nakatayong pasahero sa mga bus at modernong jeepney.

Pero bago ‘yan, gaya ng inaasahan ng mga tropapips natin sa Palasyo, pinangalanan na ni Pangulong Bongbong Marcos Jr, ang bago niyang “little president” na si dating Supreme Court chief justice Lucas Bersamin.

Sabi ng ilang tropapips natin, panahon daw talaga ni Bersamin dahil “ber” month na ngayon. At ang ibig sabihin niyan, talagang bali na ang pakpak ng dating ES na si Atty. Victor Rodriguez, na una nang nagbitiw sa naturang puwesto. Pero may kapit pa naman siya sa Palasyo bilang COS o chief of staff ni PBBM.

Kung papaano ang hatian ng trabaho ng ES at COS, hindi pa masyadong malinaw. Pero kung sino sa dalawa ang puwede o pinapayagan na pumirma para sa pangulo, tulad sa appointments at ibang mahahalagang kautusan, aba’y siya ang mas “siga.”

Marahil eh maraming senior citizens ang napapa-sana all kay Bersamin. Kahit kasi magse-73-anyos na siya at nagretiro bilang CJ ng SC noong 2019, aba’y marami pa ring ang kumukuha sa kaniya para magtrabaho.

Katunayan sa nakaraang administrasyon ni dating President Mayor Digong Duterte, ginawa pa siyang chairman ng Government Service Insurance System o GSIS.

Pero kung sakalam rin lang sa pagiging “senior worker” ang pag-uusapan, wala na sigurong oolats pa sa 98-anyos na chief legal counsel ni PBBM–walang iba kundi si Juan Ponce Enrile.

Abangan na lang natin mga tropapips ang susunod na kabanata kung tatahimik na sa “kusina” ng Palasyo ngayong may bago nang little president. Kung hindi umabot ng 100 days sa pagiging ES si Atty. Vic, ilan naman kaya si retired Justice Berjamin?

Balik na tayo sa tayuan sa bus at modern jeepney. Iyon na nga mga tropapips, naglabas ng kautusan kamakailan ang LTFRB, na nagsasaad na puwede na raw ulit ang mga pasaherong nakatayo sa mga bus at modernong jeep.

Hirit ng mga ayudanatics nating kurimaw at maging ang mga netizen, aba’y ipinagbawal daw pala ang tayuan sa naturang mga pampasaherong sasakyan? Hindi raw sila na-inform. O kaya naman eh mukha raw nahuli sa balita ang LTFRB dahil matagal na raw na may tayuan sa mga bus at modernong jeepney.

Katunayan kapag rush hour daw, pakiramdam ng ibang pasahero eh para silang walang ulo kapag nakasakay sa mga bus at modern jeep dahil sa sobrang siksikan, para na silang sardinas.

Batay sa kautusan ng LTFRB, hanggang 15 pasahero ang puwedeng nakatayo sa low-entry/low floor bus na may pagitan; 10 pasahero naman ang puwedeng nakatayo sa coach-type PUB; at limang pasahero naman ang puwedeng nakatayo sa MPUJ Class 2.

Puna ng ilang dismayado nating kurimaw, mas maigi pa raw sana kung hindi na naglabas ng naturang kautusan ang LTFRB dahil hindi naman daw nasusunod. Bukod doon, dati na rin naman daw maraming nakatayong pasahero lalo na sa mga bus.

Katunayan, kapag minalas-malas ang isang pasahero na nasa dulo ng bus, aba’y kailangan niyang sumiksik sa mga nakatayo para makababa. Kapag babae, laspag ang katawan ng kawawang pasahero. Doble malas kapag may hayok na mandurukot na nakasakay.

Ngayon naglabas ng bilang ang LTFRB sa mga pasaherong puwedeng nakatayo, ang tanong, magbabantay ba sila para matiyak na maipatutupad ang utos nila? O mas mabuting no standing policy ang dapat na inilabas nila? Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID