WebClick Tracer

METRO

Misis ginilitan sa harap ng anak

Walang-awang binugbog muna ng isang mister ang kanyang misis saka tila manok na ginilitan ito sa leeg habang umiiyak na inaawat siya ng kanilang anak na babae, sa Quezon City Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Genalyn Butron Dequina, 36, make-up artist, at nakatira sa Novaliches, Quezon City.

Kusang-loob na sumuko naman sa pulisya ang kanyang mister na si Patricio Ortega Dequina Jr., 39-anyos at nagtatrabaho bilang technician.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, bandang alas-10:00 ng umaga noong Setyembre 28 nang maganap ang malagim na krimen sa loob ng tahanan ng biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Patrolman Jordan Barbado, bandang alas-nuwebe ng umaga ay nagtatalo ang mag-asawa sa harapan ng kanilang anak dahil sa umano’y may ibang lalaki ang misis.

Sa gitna ng pagtatalo, sinabunutan ng suspek ang misis saka isinubsob ang mukha nito sa sahig nang ilang ulit.

Umiiyak na inaawat ng anak ang ama subalit patuloy pa rin ito sa pananakit sa biktima sa pamamamgitan ng pagsipa, pagsuntok sa dibdib, at sinakal pa sa leeg gamit ang kable ng plantsa.

Hindi pa umano nakuntento, dumampot ng kutsilyo ang suspek at nilaslas ang leeg ng kanyang misis sa mismong harapan ng kanilang anak.

Pagkatapos bumulagta ang asawa, hinugasan pa umano ng suspek ang kutsilyong ginamit sa pamamaslang saka nagtungo sa pulisya para boluntaryong sumuko.

Inihahanda na ang kasong parricide laban sa suspek. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on