WebClick Tracer

NEWS

Kamandag ng selos: Misis 8 ulit tinarakan

Bago nalagutan ng hininga nagawa pang bigkasin ng isang ginang na sinaksak siya ng asawa dahil sa selos sa Barangay Cenro 1, Sanchez Mira, Cagayan kamakalawa.

Kinilala ni Sanchez Mira Police Station deputy commander Lt. Elixer Reolabas ang biktima na si Pamela Puzon, 28, habang nasakote naman ang kanyang mister na si Joshua Puzon, 28.

Nalaman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima kasama ang dalawang anak ay dumating ang suspek at kumatok ng malakas sa kanilang pintuan.

Pinagbuksan ng ginang ang mister subalit agad siyang inundayan nito ng paulit-ulit na saksak sa harap ng kanilang mga paslit pang anak.

Tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo at dito na humingi ng saklolo ang mga anak ng biktima at sinabing pinagsasaksak ang kanyang nanay ng kanilang tatay.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit namatay din ito dahil sa walong tama ng saksak sa kanyang katawan.

Nagsagawa naman ng manhunt operation ang pulisya at agad naaresto ang suspek sa bahay ng kanyang lola sa Flora, Apayao.

Ayon sa pulisya, selos ang pinag-ugatan ng krimen.

Nakakulong na ang suspek na sasampahan ng kasong parricide. (Allan Bergonia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID