WebClick Tracer

NEWS

Privacy Commission hirap kapain mga text scammer

Inamin ng National Privacy Commission (NPC) na nahihirapan silang habulin ang mga text scammer matapos na mag-iba umano ng modus ang mga ito bilang mga `text aggregator’.

“Ang aggregator, for example, kapag gumagamit tayo ng Agoda o booking.com, ganoon sila para sa telco. Mayroon silang listahan ng lahat ng telco, para kung kompanya kayo, gusto niyo magpadala, gagamitin niyo `yung platform nila tapos sila `yung magpu-push sa mga telco,” paliwanag ni NPC Deputy Commissioner Leandro Angelo Aguirre.

Aminado si Aguirre na dahil dito kung kaya’t nagsasagawa sila ng panibagong imbestigasyon sa diskarte ng mga text scammer.

“Ito ang tinatawag na application to phone. Hindi siya phone-to-phone. Medyo mahirap siya i-solve kasi simula nung nag-usap tayo, nagpalit na `yung ginagawa nila ngayon. So panibagong investigation na naman ang tinitingnan natin,” ayon kay Aguirre.

Subalit mas madali aniya ang pagtukoy sa mga `text aggregator’ kumpara sa mga naunang nagpapakalat ng spam dahil may sender ID ang mga ito.

Sinabi ni Aguirre na maaaring matunton ang mensahe na ipinadala ng mga `text aggregator’ at puwede rin matukoy ng mga awtoridad ang kanilang mga kliyente.

Binigyang-diin pa ni Aguirre na malaking hamon ang pagtukoy sa mga pinagmumulan ng text scam dahil nangyayari aniya ang problemang ito sa buong mundo. (Dolly Cabreza)

TELETABLOID