WebClick Tracer

NEWS

Toni Gonzaga sinuka ng mga Shopee worker

Pinalagan diumano ng mas nakararaming empleyado ng Shopee PH ang pagkakapili sa isa sa mga highly-paid celebrity sa bansa na si Toni Gonzaga bilang bagong brand ambassador ng nasabing e-commerce platform.

Sa katunayan, isang liham ang kumalat online para mangalap ng lagda ang mga empleyado nito sa buong bansa at saka ito isusumite sa mga boss ng kompanya.

Kinuwestyon ng mga dismayadong kawani ang desisyon ng e-commerce platform sa pagkuha sa serbisyo ng aktres na lantarang malapit sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, rumesbak ang kinatawan ng Shopee PH at iginiit na kinuha ng kompanya si Gonzaga dahil sa mass appeal nito at hindi sa anumang koneksyon sa politika.

Nauna nang binatikos ang umano’y palpak na mga desisyon ng Shopee PH nang ihayag nito ang gagawing pagsibak sa mga empleyado pero kinuha naman si Gonzaga bilang brand ambassador na alam umano ng marami na mataas ang talent fee sa kanyang mga serbisyo.

Ayon sa Singapore-based e-commerce giant, magbabawas sila ng isang digit lang naman na porsiyento mula sa hanay ng kanilang 67,000 empleyado sa buong mundo. Ito’y dahil nalugi ang sikat na online mall ng $931 milyon sa second quarter ng 2021.

Pero ikinawindang ng mga kawani na habang nagbabawas ng mga manggagawa ang Shopee ay kasunod namang inanunsyo nito ang pagkuha sa actress-vlogger bilang bagong brand ambassador.

Dahil dito, marami umanong Pinoy na tumatangkilik sa Shopee ang nabuwisit sa kompanya at naglubay sa kanilang bisyong pag-add to cart.

Kumbinsido naman ang marami na dahil sa matinding pagka-inis sa mga boss ng Shopee PH at awa sa magiging jobless na mga empleyado, naglipatan sa Lazada, na pinakamahigpit na kalaban ng Shopee PH sa online selling, ang mga dati nitong kustomer.

Sa katunayan, nag-trending ang Lazada habang nai-tweet naman ng 7,600 beses ang “ByeShopee” hanggang alas-sais ng gabi nitong Biyernes. (Jonas Garsota)

TELETABLOID