WebClick Tracer

METRO

2 tirador ng GCash timbog

Dalawang lalaki na ang modus-operandi ay kabisaduhin ang cellphone number ng kanilang bibiktimahin at mameke ng GCash ang dinampot matapos silang ireklamo ng sari-sari store owner sa Valenzuela City kamakalawa.

Kasong estafa at swindling ang ikinaso sa nadakip na sina John Lester Valdemar, 33, at Jayson Soron, 23, kapwa residente ng Barangay Viente Reales ng lungsod.

Ayon kay PLT. Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), nilapitan daw ng mga suspek ang 55-anyos na lalaking may sari-sari store sa nasabing barangay.

Nilibang daw ng dalawa ang kanilang biktima hanggang sa makabisa ng mga ito ang kanyang cellphone number.

Makalipas ang isang oras, nag-send sa GCash ang mga suspek sa number ng sari-sari store owner ng halagang P50.00. Dito nakumbinsi ang lalaki na talagang may laman ang GCash ng dalawa at nag-send uli ng P19,541 na binayaran naman ng una, saka tumalilis na sina Soron at Valderama.

Dito na nalaman ng biktima na bogus ang GCash ng mga suspek dahil hindi na nag-a-appear sa kanyang cellphone ang naturang halaga. Dahil dito’y ipinadampot niya ang 2 kapitbahay.

Sa presinto, inamin ng mga suspek na ito ang kanilang raket. (Orly Barcala)

TELETABLOID