WebClick Tracer

OPINION

Kriminalidad ginagamit vs POGO

Pag gusto maraming paraan, pag ayaw maraming dahilan. Mistulang ganito na ang nangyayari sa kasalukuyan sa pagpipilit ng ilang anti-POGO (Philippine Offshore Gaming Operations) para isulong ang kanilang kagustuhan na tuluyang malusaw ang industriyang ito.

Ayon sa mga anti-POGO, dapat nang lusawin ang industriyang ito dahil wala nang napapakinabangan ang bansa at lugi pa raw tayo. Talamak na rin umano ang kriminalidad sa POGO tulad ng kidnapping, illegal detention at disappearances. Meron na rin daw mga patayang nangyayari.

Sabihin na nating may ilang insidente na ng kriminalidad na naganap kung saan sangkot ang POGO. Andyan yung mga Chinese workers sa POGO na dinudukot ng kanilang kapwa Chinese o kaya ay ilegal na idinedetine saka ipinatutubos sa mga kaanak. May ilang insidente rin na may mga nakawan. Pero kahit hindi kami pulis, masasabi nating “isolated cases” naman ang mga pangyayari.

Ang keyword ay ang salitang “ilan. ” At kung iilan lamang naman ay hinding-hindi natin kayang sabihing talamak, tama ba?

Bukod dito, ang kadalasang sangkot sa mga kriminalidad na nababalita ay hindi lehitimong POGO kundi mga ilegal na POGO. Kaya paano natin sasabihin na maraming kriminalidad sa POGO? Sa halip, ang puwedeng sabihin ay ilegal na POGO ang sumisira sa industriya ng lehitimong POGO.

Kung baga sa malinis na papel, may ilang tuldok tayong nakikita. Kailangan bang sabihin nating ang buong papel ay marumi dahil sa ilang tuldok na iyon? Parang mali yata. Nasasabi naming ito hindi upang kampihan ang POGO kundi dahil inaalala namin ang mga magagandang nakukuha natin sa POGO: ang mga kababayan nating mawawalan ng trabaho, ang mga industriyang nakakawing na sa POGO tulad ng mga condo at office rentals, ang mga tindahang kumikita sa mga POGO workers.

Sa permit pa lang at iba pang fees, meron nang P11.1 bilyon nakokolekta ang ating gobyerno mula sa POGO noong taong 2020 at 2021. May 90,000 trabaho ring naibigay ang POGO sa mga kababayan natin kasama na ang mga nagsisilbing househelp, support staff sa POGO workers.

Nakapag-aambag ang industriyang ito ng halos P200 bilyon sa ekonomiya taon-taon. Sa office rental pa lang ng POGO, nasa P9 bilyon na agad ito sa isang taon at napakasigla ng ating real estate industry sa ngayon dahil dito.

Bakit natin gagamitin ang ilang insidente ng kriminalidad para tanggalin ang POGO? Hindi naman unique sa POGO lang ang pagkakaroon ng mga ganitong insidente. Ang BPO industry ay may mga ganyan ding isolated incidents pero hindi natin sinasabing tanggalin ang BPO. Bakit ang POGO pinatatanggal?

Sa halip na pag-initan natin ang isang kumikitang industriya, mas angkop siguro na ibigay natin ang suporta natin sa industriyang ito. Tulad ng kapulisan, bigyan natin ng suporta ang mga POGO companies para mas protektado ang mga workers nila. Tutukan ng mga pulis ang mga sindikatong bumibiktima sa mga POGO workers. Lansagin ang mga grupong ito.
Para naman sa iba pang ahensya ng gobyerno, kailangang lansagin nila ang mga ilegal POGO companies na parang anay na sumisira sa reputasyon ng mga lehitimong kumpanya.

Sa ibang bansa ay ini-expect natin na proteksyunan ng host country ang ating mga kababayan. Dito sa Pilipinas, tayo ang host country kaya dapat ibinibigay natin ang proteksyon sa mga dayuhang nagtatrabaho dito.

Tama ang labor group leader na si Sonny Matula ng Nagkaisa, gusto natin na palaging protektado ang ating mga OFWs na nasa iba’t ibang bansa hindi naman natin binibigyang proteksyon ang mga dayuhang nagtatrabaho dito sa atin.

Kung mahalaga sa atin ang mga kababayan nating mawawalan ng trabaho kapag nilusaw ang POGO, maraming paraan para hindi malusaw ang industriyang ito. Magpokus tayo sa mga paraang ito. Isalba natin ang POGO!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID