WebClick Tracer

NEWS

Mga lotto agent tinukuran 433 winner ng P236M jackpot

Nanindigan ang Philippine Online Lottery Agents Association Inc. (POLAAI) na walang iregularidad sa Grand Lotto 6/55 draw noong Sabado, Oktubre 1, kung saan 433 mananaya ang nanalo at maghahati sa higit P236 milyong jackpot prize.

Ayon kay POLAAI president Evelyn Marking Javier, dumaan sa mahigpit na validation ng mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Commission on Audit (COA) ang mga ginamit na bola at televised ito noong Sabado ng gabi.

Wala aniyang glitch o iregularidad sa ginanap na Grand Lotto 6/55 draw kaya dapat alisin ang mga pagdududa sa resulta nito.

Kaugnay naman sa pahayag ng isang senador na iimbestigahan nila ang nangyaring lotto draw dahil nakapagtataka umano ang napakaraming bilang ng mga nanalo, sinabi ni Javier na hindi na kailangan dahil lehitimo ang pagbola at mayroon talagang mga nanalo sa mga tumaya sa winning numbers.

“As president of POLAAI I don’t think there’s a need to investigate because the draw was legit and there are winners indeed,” ani Javier. (Aileen Taliping)

TELETABLOID