WebClick Tracer

NEWS

P30 taas-presyo ng pork nakaamba

Asahan ang taas-presyo ng mga karneng baboy bago mag-Pasko.

Ayon kay Meat Importers and Traders Association (MITA) president emeritus Jess Cham, inaasahang tataas ang presyo ng mga inangkat na karne dahil sa atrasadong delivery nito at sa mas mataas na gastos sa pagdadala ng mga ito.

“‘Yun pong gastusin o puhunan o landed cost ng imported, tumaas na, kaya ngayon may presyo na tumataas, pataas ang presyo,” pahayag ni Mita sa isang panayam sa dzBB nitong Linggo.

Sabi ni Mita, aabot ng P30 kada kilo ang taas-presyo ng karneng baboy.

“Nadinig na po natin sa mga pork producers na by December, tataas sila up to P30 per kilo, kaya nandiyan po ang trend,” ani Mita.

Paliwanag pa nito na apektado rin ang mga delivery ng lockdown dahil kadalasang dumadaan pa ang mga imported na karne sa ibang bansa tulad ng China bago pumasok sa Pilipinas.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Agriculture (DA), ang presyo ng bawat kilo ng pork liempo ay nasa average na P350, at P300 naman sa pork kasim sa Metro Manila noong Setyembre 29, 2022.

Samantala, dahil sa pagsipa ng halaga ng dolyar kontra piso, tumaas din ang presyo ng mga imported na gatas at de-lata sa pamilihan.

Nagkakahalaga ng P13.25 hanggang P19.58 ang 155 gramo ng sardinas subalit nasa P75 hanggang P90 na ngayon ang imported na sardinas.

Sa 150 gramo naman ng lokal na gatas, naglalaro ang presyo sa P64.75 hanggang P73.30. Samantala, nasa P90 na ang imported na gatas. (Dolly Cabreza/Carl Santiago)

TELETABLOID