WebClick Tracer

LIFESTYLE

Go away, Covid-19

Julius M. Segovia

Halos bumalik na ang lahat sa dating nakagawian. Puno na ang mga mall at pasyalan lalo na ngayong ber months na. Bumper to bumper na rin ang mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada.

Marami na akong nakikita na walang suot na facemask lalo sa open areas, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na boluntaryo na lang ang pagsusuot nito sa labas.

Pero hindi pa rin talaga dapat pakampante.

Mahigit dalawang taon mula nang tumama ang pandemya sa mundo, ngayon lang ako tinamaan ng Covid-19. Masasabi kong mabagsik ang variant na nakadali sa akin. Parang triple ng karaniwang trangkaso.

Nag-weekend staycation pa kami ng college barkada sa isang hotel sa Pasay City. Pagkauwi, masama na ang timpla ng aking katawan. Mabigat na parang tatrangkasuhin. Nagsimula na rin akong makaranas ng ubo at sipon.

Dahil malakas ang kutob kong positibo ako sa Covid-19, deretso na ako sa container house pagkauwi galing sa labas. Hindi ko na harapan pang kinausap ang aking mga magulang na pareho nang senior citizens.

Kumpleto ako ng primary doses at 2 booster shots ng bakuna laban sa Covid-19. Kung hindi ako bakunado, baka mas malala ang naranasan kong mga sintomas.

Sa unang gabi, halos hindi ako makahinga dahil sa baradong ilong. Mataas din ang body temperature na umabot sa halos 40 degrees Celsius. Salamat at may direct contact ako sa aming Municipal Health Officer. Agad kong tinawagan si Dr. Ruth Punzalan para humingi ng payo. Mabilis naman siyang nagriseta ng mga gamot kabilang na ang antibiotics at vitamins na panlaban sa Covid-19.

Nasa ikatlong araw nang unti-unti nang bumuti ang aking kondisyon. Wala na ang lagnat, pawala na rin ang ubo’t sipon. Pero nanatili sa amin ang social distancing. Nakahiwalay pa rin ako sa aking mga magulang. Iniiwan lang ng aking tatay ang pagkain sa pinto ng aking container house.

Alam kong marami na tayong napakinggan o nabasang kuwento tungkol sa karanasang gaya nito. Ilang beses ko na rin itong nagawa sa pitak na ito. Pero iba pala kapag ikaw na mismo ang nakaranas. Nakapanghihina – hindi lang ng iyong pisikal na pangangatawan, higit lalo ng iyong pag-iisip.

Biro ko nga, ngayon lang na-divirginize ang ilong ko sa loob ng mahigit dalawang taong pandemya. Ngayon pa lang kasi ako nagpa-swab – at jackpot pa!

Ang tangi kong maipapayo, kumain ng masusustansiyang pagkain. Masuwerte siguro akong hindi ako nawalan ng panlasa at pang-amoy. Kaya hindi nagbago ang aking appetite. Iba man ang inyong karanasan sa akin, pilitin pa ring kumain.

Magpaaraw at magpahangin sa umaga para lumakas ang resistensiya. Iwasan ding magpuyat para mabilis na makarekober ang katawan. Ugaliin ding uminom ng maraming tubig. At siyempre, huwag kalilimutang magdasal.

Mag-ingat po tayo dahil nasa tabi-tabi lang ang kalabang hindi naman natin nakikita.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on