WebClick Tracer

OPINION

Dasal para sa mga pumanaw

Panahon ng Undas o Todos Los Santos kaya aasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo para dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Sa mga ganitong panahon lamang napag-uukulan ng pansin ang mga namayapa na para mabisita at maalayan ng dasal ng kanilang mga kamag-anak o pamilya.

Naging bahagi na ng tradisyon at kulturang Pinoy na tuwing Undas ay umuuwi ang mga tao sa probinsiya mula sa mga lungsod para i-obserba ang Undas at yaong mga walang pobinsiya ay mananatili sa Metro Manila.

Pagkakataon na rin kasi ito para makasama ang pamilya at mga mahal sa buhay kaya sa mga huling araw pa lamang ng Oktubre ay marami na ang nagbabakasyon para mas humaba ang kanilang panahon na makasama ang pamilya.

Pero bakit nga ba kakabit ng Undas ang mga kuwentong multo? Hindi ba kapag ganitong panahon ay inaalayan ng dasal ang mga namayapa na, pero bakit nakakabit ang multo?

Kalimitang nababasa o nagpalipat-lipat na kuwento ay tungkol sa mga multo pero ang iba dito ay likhang isip o guni-guni lamang.

Maaaring panakot lamang ito noon sa mga batang makukulit at mga pasaway pero ang katotohanan ay hindi panahon ng multo ang Undas.

Ito ay pagkakataon para gunitain,ipagdasal at pag-alayan ng panahon ang mga namayapa na at pagkakataon din para magsama-sama at maging buo ang pamilya na pinaghiwalay ng pagkakataon dahil sa trabaho, o kaya ay nagkaroon na ng sariling buhay at pamilya.

Kung mayroon man totoong multo, marahil ito ay likha ng ibang elemento o demonyo, at ang mga makaramdam nito ay yaong mga taong kulang sa pananampalataya at paniniwala .

Kaya huwag nating bigyang-diin na ang Undas ay panahon ng mga multo,bagkus ito ay isang pagkakataon para gunitain ang mga namayapa na at alayan ng dasal.

Hindi man natin nagagawa araw-araw na ipagdasal ang mga ito, ang Undas ang panahon at pagkakataon na ibuhos ang panalangin at pananabik kaya samantalahin ito dahil isang beses lang ito sa isang taon.

Pero wala namang nagbabawal na ipagdasal at dalawin sila sa kanilang mga puntod araw-araw kung kayang gawin basta ang mahalaga ay naaala sila sa espesyal na araw na itinakda at inilaan sa kanila batay sa tradisyon at paniniwala ng mga Katoliko.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on