NI: VINIA VIVAR
Buong pagpapakumbabang humingi ng tawad si Sarah Geronimo sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng isang madamdaming open letter na ipinost niya kahapon sa kanyang Instagram page.
Hindi naman kaila sa lahat na matagal-tagal na ring hindi in good terms si Sarah sa kanyang pamilya na nagsimula pa magpakasal siya kay Matteo Guidicelli two years ago.
Ang nasabing kasalan ay lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya.
Sinimulan ni Sarah ang open letter by explaining na hindi niya ito madalas gawin dahil gusto niya sanang maging pribado ang kanyang personal na buhay.
“Magandang araw po. Nawa’y ligtas po tayong lahat mula sa bagyo.
“Hindi ko po ito madalas gawin dahil gusto ko po mapanatiling
pribado ang aking personal na buhay pero pinipili ko pong kunin ang pagkakataon na ito para pasalamatan ang Diyos, ang aking pamilya at ang aming mga furbabies para sa inspirasyon na patuloy na maging malakas, masaya, at mapagmahal sa buhay ano mang hirap o pagsubok ang aking harapin,” ang simula ni Popstar.
“Gusto ko rin kunin ang pagkakataon na ito, sa paraan din na ito.. na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po,” patuloy niya.
Kasunod nito ay nagpasalamat si Sarah sa kanyang magulang at sinabing mahal na mahal niya ang mga ito’t araw-araw niyang nami-miss.
“Sa aking mga magulang.. walang hanggan po ang pasasalamat ko para sa buhay na ibinigay niyo sa akin, sa aming magkakapatid. Lahat ng suporta at pag-aaruga….ang inyong walang katumbas na pagmamahal, walang sino man ang pwedeng makapagpunan po nito.
“Mahal na mahal ko kayo.. daddy at mama ko. Araw-araw ko po kayo nami-miss at naiisip.
Ibinahagi rin ng singer/aktres ang kanyang naging realization o natutunan sa nangyari sa kanila ng kanyang pamilya.
“Ito ay ang pang-unawa at pagtanggap na walang perpekto na buhay o pagmamahal mula sa ating mga tao lamang.
“Ang pinakaimportante ay ang pagpapakumbaba na tanggapin ang katotohanan na ito at pagtutulungan na maging mas mabuti at mapabuti ang buhay ng bawat isa along- lalo na sa isang pamilya. Dahil ang pamilya ay binuo ng Diyos, at patuloy itong magiging buo kung pagmamahal at pagpapakumbaba ang paiiralin sa ating mga puso ano man ang pagkakaiba o maging choices, desisyon sa buhay ng bawat isa,” aniya.
“Napakadali din para sa atin na manghusga at magbigay ng opinyon sa buhay ng iba. Wala tayong kontrol sa pag-iisip nila, ang pinakaimportante ay alam mo kung ano ang katotohan sa puso mo.
“The truth is in the end, it’s just really between you and God. In my darkest hour, I was also reminded to look to God and feel his unfailing love and faithfulness through His word and grace. I have learned to find joy and peace again in God alone. The author of love and the perfecter of our faith,” patuloy niya.
“In my darkest hour, I was also reminded to look to God and feel his unfailing love and faithfulness through His word and grace. I have learned to find joy and peace again in God alone. The author of love and the perfecter of our faith.”
Nagbigay rin ng paalala si Sarah sa mga tao na huwag kalimutang pahalagahan ang ating mga mahal sa buhay.
“Gusto ko lang po ipaalala sa ating lahat, dahil napaka busy natin o preoccupied dahil sa ating kanya kanyang buhay, na wag po natin kakalimutang pahalagahan ang bawat oras at pagkakataon na binibigay sa atin ni Lord para maiparamdam sa ating mga mahal sa buhay kung gaano sila kahalaga, kung gaano natin sila kamahal. Para saan nga ba ang lahat ng ginagawa natin kung hindi para rin sa kanila.
“Malayo man sila o malapit, yakapin natin sila nang mahigpit sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpili sa kanila,” mensahe ni Sarah sa netizens.
Nagpasalamat din siya sa kanyang Popsters at sa kanyang manager na si Boss Vic del Rosario of Viva.
“Sa aking mga Popsters na patuloy na sumusuporta sa akin bilang
isang artist at umuunawa sa akin bilang normal na tao.. napakaswerte ko sa inyo. Kayo ang unang nagbigay sa akin ng pagkakataon na mapansin bilang isang mang aawit at artista. Maraming maraming salamat sa inyo.
“Sa aking pong manager for almost 20 yrs. Boss Vic, kayo po ang naging instrumento ni Lord para matupad namin ng aking pamilya ang pangarap ko na maging singer at artista.…ang magkaroon ng mas magaan at komportable na buhay. Maraming maraming salamat po Boss Vic. Sa aking buong Viva family, salamat,” pahayag ni Sarah.
Sa huli ay nabigay ng final message si Popstar sa kanyang buong pamilya at inalay niya sa mga ito ang kanyang muling pagbabalik sa musika. Nagpahayag din siya ng pagnanais na makasama ang kanyang pamilya habang siya ay nabubuhay.
“Sa aking buong Geronimo family, Mula noon hanggang ngayon, kayo ang inspirasyon ko sa buhay. Para sa inyo ang aking muling pagyakap sa musika at pagkakataon na muling makapagbigay ng saya at inspirasyon sa ibang tao.
“Ngunit bilang isang anak at kapatid, para sa akin, ang makasama kayo habang ako ay nabubuhay nang may pagmamahalan at kapayapaan sa ating mga puso ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang tagumpay at kaligayahan.
“Muli, maraming salamat para sa inyong pagmamahal at para sa inspirasyon. Mahal na mahal ko kayo,” ang pagtatapos ni Sarah. (Vinia Vivar)