Ni Rommel Gonzales
Masaya si Dennis Trillo na magkakaroon na ng pagkakataon ang mga kapwa Pilipino na makita ang pelikulang pinagbibidahan niya, ang On The Job: The Missing 8 na ipalalabas sa mga piling sinehan simula ngayong linggo.
Ang second installment ng pelikulang On the Job, na idinerehe ni Erik Matti, ay ang official entry ng Pilipinas sa 95th Academy Awards, na kilala rin sa tawag na Oscars.
“Sobrang natutuwa ako natutuwa ako na talagang nare-recognize ang pelikula. Hindi lang nakikilala dito sa bansa natin kundi pati sa ibang bansa. Sana magpatuloy ito at pamarisan ng ibang filmmakers,” sabi ni Dennis nang makapanayam siya saglit ng ilang entertainment media, kasama ang GMANetwork.com, bago ang red carpet premiere noong Biyernes, October 28.
Matatandaan na ang pelikulang ito ay umani standing ovation nang ipalabas sa Venice Film Festival. Dahil din sa pelikulang ito, naiuwi ng kapwa bida ni Dennis na si John Arcilla ang Volpi Cup bilang Best Actor.
Bago ang Oscars, lalaban din ang On The Job: The Missing 8 sa International Emmys kung saan nominado ang pelikula para sa category na Best TV Movie/ Mini-series.
Dahil sa mga ito, lubos ang pasasalamat ng aktor. Aniya, “Hindi ako makapaniwala kasi parang matagal na naming nagawa itong proyekto na ‘to, pero hanggang ngayon, hindi pa rin natatapos ang recognition. Thank you, thank you talaga. Salamat, nagbunga lahat ng paghihirap namin.”
Dagdag pa niya tungkol sa pelikula, “Hindi ko ine-expect pero alam kong maganda siya. Hindi ko lang ine-expect na talagang mapapansin ng maraming tao.”
Nakatakdang magtungo ang producers On The Job: The Missing 8 na sina Erik at Dondon Monteverde sa New York sa November 10 para dumalo 50th International Emmys, na magaganap sa November 21, 2022 sa New York Hilton Hotel.
Makakasama kaya si Dennis?
“Hindi pa ako sure pero kung hahayaan ako ng schedule para makasama, why not, di ba?”
Sa ngayon ay abala pa rin ang aktor sa hit historical-fantasy series na Maria Clara At Ibarra ng GMA Network.