WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

3 pasahero tigok, 37 sugatan sa overloaded na dyip

Patay ang tatlong babaeng pasahero habang 37 iba pa ang sugatan matapos na mawalan umano ng preno ang sinasakyan nilang pampasaherong dyip at sumalpok sa isang puno sa Calatrava, Negros Occidental, Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rutchelle Visitacion, 32; Elma Baynosa, 72; at Araneta Agravante, 63.

Dinala naman sa ibat-ibang pagamutan ang 37 iba pang pasahero ng dyip na nagtamo ng mga sugat, pasa at bali sa kanilang katawan.

Nakilala ang naarestong drayber ng dyip na si Jose Jequito Florencondia, 53-anyos.

Sa ulat ng ipinadala ng Calatrava Municipal Police Station sa Camp Crame nitong Sabado, nangyari ang insidente pasado alas-dos ng hapon sa pababa at pakurbang parte ng kalsada na sakop ng Crossing Pantas sa Barangay Malatas ng nasabing bayan.

Ayon sa drayber, nawalan ng preno ang kanyang dyip dahilan upang hindi na niya makontrol ang manibela sa pababang bahagi ng kalsada at nagpagewang-gewang ito hanggang sa sumalpok sa isang puno bago muling bumangga sa isang tindahan at inararo pa ang dalawang nakaparang motorsiklo.

Nabatid sa pulisya na overloaded ang nasabing dyip kung saan may mga nakasabit at nasa bubungan ang iba pang pasahero kaya nahirapan ang drayber na kontrolin ang manibela dahil sa dami ng nakasakay.

Nalaman din umano na walang prangkisa ang dyip at hindi nito ruta ang nasabing lugar kung saan nangyari ang insidente.

Nakakulong ngayon ang drayber na si Florencondia habang inihahanda ang patong-patong na kaso laban sa kanya.(Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID