WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Grade 11 hinabol ng may sayad, tinarakan sa likod

Kasalukuyang nakaratay sa pagamutan ang isang Grade 11 senior high school student matapos na saksakin ng dalawang ulit ng isang lalaking sinasabing may diperensya sa pag-iisip Biyernes ng gabi sa Medellin, Cebu.

Nakatarak pa ang kutsilyo sa likuran ng biktima na nakilalang si Kenneth Jumao-as, 18-anyos, estudyante ng Roosevelt Memorial College sa Bogo City, nang isugod sa pagamutan kung saan nagpapagaling na ito ngayon.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang suspek na nagngangalang Kenth Robert Miral na umano’y may diperensiya sa pag-iisip.

Sa ulat ng Medellin Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi nitong Biyernes sa Purok Acacia, Barangay Don Virgilio Gonzalez sa nasabing bayan.

Sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang dalawa pang kaibigan nang madaanan nila ang suspek na nakatayo sa gilid ng kalsada at armado ng patalim.

Bigla na lang umano silang hinabol ng suspek at dalawang beses na tinarakan nito sa likuran ang biktima na nakasakay sa pinakalikod ng motorsiklo.

Muli pa sanang sasaksakin ng suspek ang biktima habang tumatakbo ang motorsiklo subalit hindi na nito nabunot ang patalim sa likod ni Jumao-as. Mabilis namang pinaharurot ng kasama ng biktima ang motorsiklo para makalayo sa suspek.

Mabilis na dinala ang biktima sa Bogo-Medellin Medical Center kung saan siya nakaratay ngayon. (Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID