Ibinahagi ng King of Talk na si Boy Abunda ang pagha-harvest niya ng mga prutas sa kanyang farm sa Lipa City.
Aniya sa kanyang vlog, ang naturang farm daw kasi ang naging retreat house at refuge niya noong panahon ng pandemya.
Dito raw niya, ginugol ang kanyang panahon para makapag-unwind at maging productive.
Aminado kasi siyang mula nang mawala ang ABS-CBN, naging apektado rin ang kanyang trabaho.
Pero, naging busy raw naman siya sa pagho-host ng events online na isa sa mga sources ng kanyang pinagkakitaan.
Sa pag-aani sa kanyang farm, ibinida niya na tinawagan daw diumano siya ng kanyang katiwala at kinunsulta kung bet nitong ibenta sa palengke ang mga prutas na na-harvest sa kanyang farm para raw naman makadagdag ito sa pambayad ng maintenance cost ng property.
Aniya, naisip daw niya na ipamigay na lang ang mga ito sa kanyang mga kakilala at mga kaibigan.
Sumama rin ang multi-awarded TV host para mamitas ng rambutan sa kanyang farm.
Dahil organic daw, napakatamis daw nito kaya hindi nakakahiyang iregalo sa kanyang mga pagbibigyan.
Ilan pa sa mga prutas na na-harvest ay ang guyabano, lansones atbpa.
Namitas din sila ng ‘buko’ at ipinakita pa ni Kuya Boy kung paano ito balatan.
Pero ang ikinawindang ni Tito Boy ay ang kuwento ng isa niyang katiwala na nakaengkuwentro ito ng napakalaking sawa sa farm na kinain ang kanilang alagang manok.
Hirit pa ng host turned YouTuber, hindi niya akalaing pinasok na rin ng sawa ang kanyang farm. (ARCHIE LIAO)