WebClick Tracer

LIFESTYLE

Paano gagastahin ang 13th month pay?

Bahagi ng compensation law sa Pilipinas ang 13th month pay. Ibig sabihin, obligado ang mga employer na magbigay nito sa kanilang mga trabahador. Inaakala lang ng marami na bahagi ito ng Christmas bonus dahil tuwing mid-November ito ibinibigay sa mga empleyado.

Ikaw, nakuha mo na ba ang 13th month pay mo? Isa ito sa hinihintay ng marami lalo na ngayong magpa-Pasko. Gastos dito, gastos doon. Kung tutuusin, baka mas doble ang expenses natin ngayong 2022 kumpara noong nakalipas na dalawang taon. Ngayon na lang kasi uli pinahihintulutan ng gobyerno ang mga nakagawiang aktibidad tuwing Christmas.

Bilang isang financial advisor, ipinapayo natin na kailangang mailaan ang pera o anumang bonus sa makabuluhang bagay. Marami sa atin ang gumagasta base sa kagustuhan, at hind sa pangangailangan. Bagay na kailangan nating iwasan.

Sa totoo lang, maraming realization nitong tumama ang pandemya sa buong mundo. Walang kasiguruhan ang buhay. Hindi natin inakalang malaki ang magiging epekto nito sa ating kabuhayan. Marami ang nawalan ng trabaho. Naghikahos sa buhay. Namatayan ng kaanak. At kung anu-ano pa. Umabot na sa puntong napaisip tayo – kung may ipon lang sana ako, baka naagapan pa natin ang buhay niya. Talaga namang ubod nang mahal ang gastos sa pagpapaospital lalo na noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic. Milyon-milyong piso ang kakailanganin mailaban lang ang nag-aagaw-buhay nating mga kaanak.

Kaya ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay, mas kailangan nating paghandaan ang hinaharap.

Para sa iba, dumaraan lang daw sa palad ang bonus at 13th month pay sa dami ng gastusin sa bahay. Mas maiging magplano tayo kung saan-saan natin ilalaan ang pera. Hindi masamang magliwaliw, pero isipin din ang future needs. Marami kasi ang naeengganyong mamasyal oras na nakuha na ang pera. Nakakaligtaan na ang mga bagay na mas kailangang pagtuunan ng pansin.

Importanteng maglaan ng budget for emergency use. Mas mainam na may madudukot ka sa bulsa sa oras ng kagipitan. Tandan, hindi pa rin tayo ligtas sa pandemya dahil nariyan pa rin ang Covid-19 sa paligid. Bukod sa pagbili ng masusustansiyang pagkain, maglaan din ng budget para sa vitamins. Mahalagang alagaan ang sarili para mas lumakas ang resistensiya.

Mahalaga ring mag-invest sa insurance. Dahil walang katiyakan ang buhay, importanteng paghandaan ang hinaharap. Less hassle sa maiiwan nating pamilya kung may life insurance tayo. Pero kumuha lang nito base sa kakayahan. Mahirap din namang mapasubo sa buwanang bayarin kung hindi ito kaya ng ating sahod.

Sa huli, kailangang matuto tayong magbalanse ng mga pangangailangan at kagustuhan. Hindi masamang mag-enjoy basta alamin ang limitasyon.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID