WebClick Tracer

LIFESTYLE

Tengga promosyon ng mga taga NFA?

Hanggang sa ngayon, literal na nananatili pa ring nasa personal na pangangasiwa ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr ang Department of Agriculture (DA) at hindi pa rin malaman kung sino talaga ang kanyang itatalaga na pinuno ng naturang ahensiya.

Maraming nagsasabi na dapat ay maglagay na ng kalihim sa DA ang Pangulo dahil hindi basta-basta lamang ang papel ng ahensiyang ito bunga na rin ng katotohanang sikmura ng bawa’t mamamayan ang pangunahing obligasyon nito.

Pero kung tutuusin, kahit na hindi pa nagkakaroon ng kalihim ang DA ay mas mapalad pa rin ang mga kawani nito dahil nga mismong Presidente ang namumuno sa kanila kumpara sa ibang ahensiya na ang direksiyon ay tila barko na namatayan ng makina sa laot at nagpapatangay na lang sa alon.

Ito ay dahil hindi talaga malaman ng mismong mga taga ahensiya kung sino ang kanilang pinuno kung mayroon man, o kaya naman ay kailan sila magkakaroon kung wala pa ring naitatalaga hanggang sa ngayon.

Isa sigurong matibay na halimbawa dito ay ang National Food Authority (NFA) na dating nasa pangangasiwa ng DA pero nalipat sa pamamahala ng mismong Office of the President.

Kung tatanungin siguro ang mga pinakamagagaling sa current events kung sino ang kasalukuyang administrator ng NFA nang hindi nagba-browse sa internet ay baka walang makasagot.

Sino nga ba ang administrator ng NFA?

Kung titingnan sa Google, si Atty Carol Dansal pa rin ang administrator ng naturang ahensiya batay sa news article na nalathala sa pahayagan Hulyo 22 ng kasalukuyang taon matapos siyang maitalaga sa puwesto noong 2019 sa ilalim ng termino ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa sa balita, hindi raw kasama ang appointment ni Dansal sa mga tinatawag na co-terminous status ng appointing authority dahil sa ilang mga kadahilanan.

At ito umano ang naging dahilan kung bakit re-appointed si Dansal sa nabanggit na posisyon.

Bilang re-appointed na NFA administrator, mukhang kailangang magtrabaho ng matindi si Dansal lalong lalo na sa sistemang panloob ng ahensiya gaya lamang ng mga kapakanan ng mga empleyado nito at gayundin ang estado ng kanilang pagkakaempleyo.

May mga lumalabas kasi na impormasyon na tila inuupuan lamang ni Dansal ang mga promotion papers ng mga kawani na dapat ay matagal nang umangat ang posisyon matapos na ilaan sa ahensiya ang serbisyo ng kung ilang taon na.

Gaya lamang daw ng situwasyon ng mga managers sa ilang mga bodega ng NFA at maging sa ibang dibisyon na puro lamang officer-in-charge ang status dahil hindi umuusad ang kanilang mga papel para ganap na matatakan at maaprubahan ng Civil Service Commission (CSC).

Bilang pinakamataas na opisyal ng NFA, dapat ay pinagtutuunan ito ng atensiyon ni Dansal, tutal ay maliwanag naman na siya ay re-appointed batay at wala rin naman pang binabanggit ang Palasyo na kapalit niya.

Administrator Dansal baka naman po, kawawa naman po ang mga nabibitin ang mga papel, gaya po ninyo, sila ay may mga pamilya rin na kailangang buhayin at paglingkuran.

Bukas po ang pitak na ito sa kung ano mang magiging reaksiyon o sagot ni NFA Administrator Dansal.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID