WebClick Tracer

OPINION

‘Minamatamis’ na ekonomiya?

Habang nagtitiis at namamaluktot sa pagtitipid ang maraming Pinoy, palakpak tenga naman siguro ang mga economic manager ng administrasyon dahil lumago raw ang ekonomiya ng bansa sa ikatlong kwarter ng 2022.

Ibinida nga mga tropapips ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 7.6% daw ang inilago ng ekonomiya, na mas mataas sa 7.5% noong ikalawang kwarter. But wait there’s more pabilib, mas mataas daw ang 7.6% ngayong ikatlong kwarter ng 2022 kumpara sa 7% ng katulad ng panahon noong 2021.

Puna ng mga tropapips nating laging laman ng grocery stores, kung tutuusin daw ay 0.1% lang naman ang sinasabing pag-angat ng ekonomiya sa ikatlong kwarter. Kung sa survey daw ‘yan gaya ng SWS at Pulse Asia, tanong nila, baka mayroon ding “margin of error”? Ilan daw kaya?

Hindi rin daw kataka-taka na mas mataas ang maging pag-angat ngayon ng ekonomiya kumpara noong 2021 dahil mas maluwag nang nakakakilos ngayon ang mga tao at ang mga negosyo.

Baka nga raw ang sinasabing 0.1% na pag-angat ng ekonomiya sa ikatlong kwarter eh dahil sa pagtaas ng inflation rate na bumubutas sa bulsa ng mga utaw dahil sa sobrang mahal ng mga bilihin at serbisyo.

Mula sa 5.4% na inflation rate noong May, sumampa na ito sa 6.1 ng June, 6.4% sa July, 6.3% sa August, 6.9% sa Setyembre, at 7.7% nitong Oktubre. Kapag mas mahal na presyo ng mga bilihin at serbisyo gaya ng kuryente, aba’y mas mataas siyempre ang parte ng VAT sa buwis.

Kung tutuusin, good news naman talaga at dapat ikatuwa kung talagang lumalago ang ekonomiya. Ang sabi ng PSA, halos lahat daw ng sektor-mula sa agrikultura hanggang mga industriya at serbisyo–eh lumago.

Kapag kasi masigla ang ekonomiya, sabi nga ni “kabise” sa palengke, “aken negosyo bohay.” At kapag maraming negosyo, marami siyempre ang may trabaho. Kapag may trabaho, may suweldo. Kapag may suweldo, may pera. Ang tanong nga lang ng mga tropapips natin at mga ayudanatics na kurimaw, kasya ba ang sahod sa taas o mahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo?

Ayon sa isa pang pahayag ng PSA, lumitaw sa latest Labor Force Survey (LFS) noong Setyembre na nabawasan daw ang mga Pinoy na walang trabaho na 2.50 milyon. Mas mababa raw ‘yan sa 2.68 milyon na walang trabaho noong Agosto.

Baka naman kasi “ber” month na ang Setyembre at marami ang nakapasok sa “endo” ng mga mall at iba pang tindahan. Pero pagkatapos ng Pasko, kakaba-kaba na naman ang mga pobreng manggagawa kung saan na naman maghahanap ng trabaho pagsapit ng Enero.

May mga tropapips din tayo na napahimas ng kaniyang “b,” as in “baba,” (kasi napaisip), kasi habang nabawasan daw ang “walang trabaho,” aba’y nabawasan din ang “may trabaho” noong Setyembre, na naging 47.58 milyon, na dating 47.87 milyon noong August.

Kapag sinabi nga naman na nabawasan ang walang trabaho, ang ibig sabihin, nadagdagan ang may trabaho. Pero may pahabol na nabawasan din ang may trabaho, ibig bang sabihin eh nadagdagan ang mga walang trabaho?

Ang paliwanag ng PSA, kaya raw nabawasan ang mga may trabaho, eh bumalik daw ang mga ito sa pag-aaral nitong Setyembre. Talaga ba? Pero ang mga “underemployed” o mga trabahador na kailangan ng dagdag na kita, lalong dumami sa 7.33 milyon noong Setyembre kumpara sa 7.03 milyon noong Agosto.

Sa isang survey na ginawa noong Disyembre, 45% ng mga tinanong ang umaasa na bubuti ang kanilang buhay ngayong 2022. Magkatotoo sana ang inaasam nila at hindi sila paasahin.

Ika nga ng isang mambabatas, sabihin sa tao ang tunay na lagay ng ekonomiya at huwag lagyan ng “minatamis” para maabot ang target nilang numero kahit hindi naman pala keri. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID