WebClick Tracer

NEWS

P5M multa ikinasa vs mga pasaway sa Anti-Hospital Deposit Law

Inihain ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang isang panukala upang itaas hanggang P5 milyon ang multa laban sa mga ospital at klinika na humihingi ng deposito bago tulungan ang mga taong nanganganib ang buhay.

Sa House Bill 3046 ay itatayo rin ang isang government hotline kung saan maaaring i-report ang mga paglabag sa Republic Act No. 10932 o Anti-Hospital Deposit Law.

Sa ilalim ng RA 10982 na pinirmahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, ang mga empleyado ng ospital o medical practitioner na lalabag ay pagmumultahin ng P100,000 hanggang P300,000 at makukulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon.

Kung ang paglabag ay dahil sa polisiya ng ospital, ang direktor o opisyal na gumawa nito ay maaaring makulong ng apat hanggang anim na taon at multa na P500,000 hanggang P1 milyon.

Sa ilalim ng HB 3046, ang mga empleyado o medical practitioner na lalabag sa Anti-Hospital Deposit Law ay pagmumultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon o kulong na apat hanggang anim na taon.

Ang gumawa ng polisiya kaya nagkaroon ng paglabag ay makukulong ng anim hanggang 12 taon o multang P2 milyon hanggang P5 milyon.

Kung ang isang pasilidad ay tatlong beses na nahuling lumabag ay kakanselahin na ang permit nito na makapag-operate. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on