WebClick Tracer

NEWS

Albay Gov pinatalsik

Kinatigan ng Commission on Elections (COMELEC) en banc ang diskwalipikasyon ni Albay Governor Noel Rosal bunsod sa pamamahagi nito ng ayuda sa mga tricycle drivers at senior citizens na mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng halalan.

Ayon sa tatlong pahinang Resolution na may petsang Nobyembre 18, 2022, sinabi ng COMELEC en banc na wala silang nakitang bagong argumento o dahilan upang baligtarin ang desisyon ng COMELEC First Division na unang nag-diskwalipika kay Rosal noong Setyembre 19, 2022.

Lumagda sa naturang desisyon ang buong COMELEC en banc sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia, kasama sina Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., at Nelson Celis.

Nag-ugat ang kaso ni Gov. Rosal sa reklamong isinampa ni Joseph Armogila, isang natalong kandidato para pagka konsehal sa Legazpi City, Albay. Aniya, nilabag umano ni Rosal – na noo’y kandidato pagka-gobernador ng Albay – ang Section 68 paragraphs (a) at (e) ng Omnibus Election Code nang mamahagi ito ng financial assistance sa mga tricycle drivers at senior citizens habang umiiral ang 45-day election spending ban.

Batay sa naturang batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi ng salapi, pabor o anumang materyal na bagay upang impluwensyahan ang mga botante o election officials. Ang anumang paglabag ay papatawan ng diskwalipikasyon bilang kandidato o kaya’y pagtanggal sakaling mahalal sa puwesto.

Ayon sa Comelec First Division, mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng election spending ban ang “release, disbursement, and expenditure” ng pondo ng pamahalaan maging ito man ay para sa “social welfare and development projects and activities.” Ang tanging exemption na maari lamang pagka-gastusan sa panahon ng spending ban ay mga sahod ng empleyado ng gobyerno, mga pang-araw araw ng gastusin ng pamahalaan at mga gastusing awtorisado ng COMELEC.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID