WebClick Tracer

OPINION

Mga sabit sa PBBM trip mahiya naman kayo!

Maraming beses na nating natutunghayan sa social media ang sangkaterbang kasama sa delegasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga trip nito abroad.

Alam nating maaaring mangyari na may mga kasama ang Pangulo dahil kailangan niya ng mga maghahanda sa mga bagay-bagay na kailangan niyang ipresenta sa mga kausap niya lalo na sa mga target na mamumuhunan.

Ang nakakawindang lang sa ating paningin ay masaksihan ng ating mga mata na bitbit ng isang appointee ang kanyang asawa. Wala tayong ideya kung sino ang nagbayad sa pamasahe at ibang gastusin sa biyahe ng mga bitbit ng mga opisyal ni PBBM pero naniniwala akong kahit kaunting porsiyento ay may sagot dito ang gobyerno.

Ang maliit na gastos na ito kung pagsasama-samahin sa lahat ng bitbit ng mga appointee ay malaki rin at tiyak kung magdadagdag ito sa malaking pagkakautang na hinaharap ng gobyerno.

Ang sakit talaga sa matang masaksihan na nagpapasarap ang mga appointee ng gobyerno at kanilang mga bitbit na ibinibalandra pa sa social media. Para bang wala na silang delicadeza.

Ipagpalagay nating sariling gatos ninyo ang eroplano, eh ang hotel accomodation nakatitiyak akong sagot ito ng gobyerno at siyempre kasama na rito ang lafang.

Sa dami ng nakita nating mga sabit ng mga appointee malaki-laki ring gastos ang nakasisiguro akong sinuka dito ng gobyerno.
Marami-rami pang biyaheng nakalinya si PBBM at kanyang delegasyon kaya tiyak akong marami diyang kaanak ng mga appointee ang nakaplano na kung sinu-sino ang bitbit nila.

Pero sana naman matauhan na ang mga appointee ni Pangulong BBM at isantabi ang kanilang personal na interes at sa halip isipin ang kapakanan ng bansa na lumalangoy na sa utang.

Ilan sa nakita natin sa social media na present sa PBBM trip sa APEC Summit ay ang aktres na si Dawn Zulueta na alam nating misis ng Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Paul Soriano na isa ring adviser ni PBBM, Sen. Mark Villar at marami pang iba na alam nating wala naman papel sa APEC Summit pero sumabit at naghatid lang ng kahihiyan kay PBBM.

Sa mga susunod sanang biyahe ng Pangulo ay mabawasan kung hindi man kakayaning mawala na ang mga sabit dahil dagdag gastos lamang sila sa gobyerno.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID