WebClick Tracer

OPINION

Dikdikin ang DICT

Bukod sa problema ng kakulangan sa classroom, may isa pang suliranin na hindi masyadong nabibigyan ng atensyon – ang libreng Wi-Fi sa mga eskuwelahan.

Kapag ang pinag-usapan kasi ay tungkol sa eskuwelahan, numero unong problema ang kakulangan ng mga silid-aralan. Ngayon kasi, higit sa 169,000 na ang shortage sa classroom at dinagdagan pa ito ng 37,000 classroom na nasira ng bagyo at lindol.

Kaya naman sa bawat silid-aralan, parang sardinas na siksikan ang mga estudyante. Upang mapagkasya, ginagawang dalawa o tatlong shift ang klase.

Natatabunan nito ang isyu ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong paaralan, alinsunod sa Free Internet Access in Public Places Act o ang Republic Act No. 10929.

Napuna ni Sen. Sherwin Gatchalian na kahit limang taon na ang batas, nasa 1.8 porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi. Anyare?

Sa interpelasyon ni Gatchalian sa panukalang budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), hinimok niya ang kagawaran na tiyaking maaabot nito ang itinakdang target sa paglalagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga paaralan.

“Ang ating mga mag-aaral ang makikinabang dito dahil paiigtingin nito ang pagdaloy ng impormasyon, lalo na para sa mga kababayan nating nangangailangan,” ani Gatchalian.

Ayon sa naitala noong Setyembre 2, 2022 ng Free Public Wi-Fi Dashboard, 860 lamang sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi.

Lumalabas din sa Free Public Wi-Fi Dashboard na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pampublikong paaralan na may libreng Wi-Fi mula noong Oktubre 2021. Noong panahong iyon, nasa 1,190 o 2.5 porsyento ng mga pampublikong paaralan ang may libreng Wi-Fi. Lalo itong bumaba sa 945 noong Enero 2022.

Dapat dito sa DICT, dikdikin dahil imbes na tumaas ang bilang ng mga may libreng Wi-Fi, nabawasan pa ito.

Base sa survey ng World Bank noong 2021 sa mga sambahayang nangangailangan, 40 porsyento lamang ang may access sa internet kaya napakalaking bagay sana kung may libreng Wi-Fi sa mga iskul. Lumabas din sa naturang survey na 95.5 porsyento ng mga naturang sambahayan ay gumamit ng mga papel na modules at learning materials.

Sana naman sa 2023 ay dumami na ang mga eskuwelahan na may libreng Wi-Fi. Sa ilalim kasi ng panukalang national budget para sa 2023, aabot sa P2.5 bilyon ang nakalaan para sa pagpapatupad ng R.A. 10929.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID