WebClick Tracer

NEWS

Ayuda sa 2023 budget limitado na – Senado

Inaprubahan na ng Senado ang kanilang bersyon ng P5.2 trilyong pambansang budget para sa 2023, ang una sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matapos ang mahabang pagdinig at interpelasyon, ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 2023 General Appropriations Bill sa botong 21-0-0.

Inilarawan ni Senador Sonny Angara, chairperson ng Senate committee on finance, ang 2023 national budget bilang pangtugon sa pangangailangan ng mamamayan matapos ang pandemya.

Tinitiyak nito ang layunin para sa food security, pagbuhay sa edukasyon, paghanda ng bansa sa epekto ng climate change at iba pa.

“Sa ilalim ng 2023 budget ay magkakaroon pa din ng ayuda para sa ating mga kababayan pero hindi na ito tulad ng nakaraang ayuda kung saan ay halos lahat ng tao ay nabigyan ng pera,” sabi ni Angara.

“Ngayon pili na sektor na ang bibigyan ng tulong at nakabase ito sa bigat ng pangangailangan at naging epekto ng pandemya sa kanila,” dagdag pa niya.

Kasama rin sa inaprubahan ang pondo para Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Protective Services to Individuals in Crisis Situations (PSICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Diisadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD) at ang Sustainable Livelihood Program.

Bagama’t bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni Angara na tinitiyak nila sa 2023 national budget na makakatugon ang gobyerno sa patuloy na banta na pandemya at sa pagpapalakas sa health system ng bansa.

Sisimulan ang bicameral conference committee meeting sa Biyernes para plantsahin ang mga hindi mapagkasunduang probisyon sa bersyon ng Senado at Kamara. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID