WebClick Tracer

LIFESTYLE

Kailangan inumin sa oras ang gamot

Ang gamot ay madalas ibinibigay at irinirekomenda ng ating mga doktor sa panahong tayo ay nagkakasakit. Oras na malaman ng doktor ang diagnosis o kung nagkakaroon ng hinala kung ano ang problema, may kasunod na reseta.

Ang mahalaga ay ang bilin sa atin at ng mga instructions tungkol sa paggamit at inom ng mga gamot. Yan ang natanong sa atin ngayon ng isa sa ating mga tagasubaybay. “Medyo mahirap sundan at madami ang pinapainom na gamot sa akin ng aking doktor, pwede ko na ba pagsabayin ito lahat? Baka pwede ko naman inumin ang para sa isang araw para hindi na pakaunti unti lamang, baka makalimutan ko pa. Kung pwede yung pang 5 araw o isang linggo ubusin ko na agad. Hindi ba mas mabilis gagaling dahil biglaan ang gamot na iinumin?”

Una sa lahat, Huwag!!! Hindi dahil sa kagustuhan gumaling agad ay uubusin ang mga gamot na inireseta ng mabilisan. Mas magkakasakit pa kayo nyan. Hindi kagustuhan ng doktor ninyo na pahirapan kayo sa paginom ng gamot. Hindi nila hinuhugot sa hangin kung gaano kadami at kung gaano kadalas inumin ang mga ito. May mga kailangan malaman tungkol sa gamot. Ang indikasyon at bisa nito, kung gaano kaepektibo. Safe ba? Walang side effects, o drug interactions? Ano ang half-life nito? ilan lang sa mga katanungan bago pa ibigay sa pasyente ang rekomedasyon.

Sa anumang karamdaman, mayroong kaakibat na gamot na kailangan. Dito pa lamang, hindi maaaring pagpalitpalitan ang mga ito. Ang pwede lamang ay gumamit ng generic sa rekomendasyon, ngunit kung ano ang gamot, hindi napapalitan. Nagbibigay ng babala ang doktor sa safety at side effects ng gamot. Hindi ito para takutin ang pasyente, kundi para makasiguro na kung makaramdam nga ng side effects ay alam ang gagawin. Hindi din naman ibig sabihin may side effects ang gamot ay agad mararamdaman ito. Mayroong din half-life na tinatawag ang mga gamot. Ito ang panahong nasa dugo na ang gamot at mawawala na ang kalahating bisa nito, kaya kailangan nang dagdagan pa. Dito nalalaman kung gaano kadami at kadalas ang bigay ng gamot. Mayroong minsan sa isang araw, dalawang beses, tatlo, o apat pa. meron din kada anim, walo, o dose oras. Kaya hindi pwedeng isahang inumin talaga. Hindi din ibig sabihin mas mabisa ang isang gamot na mabigat na timbang kaysa sa kaunti lang. Hindi pwedeng gawing basehan na mas maganda kasi mas malakas dahil 500mg ang gamot kumpara sa isang 50mg lamang. Hindi ito ang basehan ng bisa. Sa paghalo naman ng iba’t ibang gamot, mayroon din magandang bisa at mayroong masamang epekto, at ito ay kasama din sa bilin ng mga doktor.

Hindi namamadali ang paggaling, kahit ganoon kadali magkasakit. Protektahan natin ang ating sarili at sa panahon binigyan ng mga paalala at bilin, intindihin natin nang gumaling agad at mas hindi lumala ang sakit.
Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Get vaccinated! Get Boostered!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID