WebClick Tracer

METRO

Kelot nabitag sa sanla-scam modus

Pinag-iingat ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Nicolas Torre III ang publiko laban sa tinaguriang `sanla-scam’ matapos madakip ang 30-anyos na lalaki sa entrapment operation sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni QCPD Holy Spirit Police Station (PS 14) commander PLTCOL Alex DJ Alberto, ang suspek na si Reymart Santos Mirambil, 30, ng Karingal St., Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Lumitaw sa imbestigasyon na bago ang pag-aresto, nagkasundo ang testigong sina Mary Sheryl Grace Andaya Realce, 35, at tiyahin na si Maria Rita Andaya, na parentahan nila ang bahay at ari-arian ng huli.

Nabatid na si Realce ang authorized caretaker ng bahay at ari-arian ni Andaya na nasa ibang bansa.

Si Mirambil umano ang umupa sa ari-arian sa halagang P20K kada buwan.

Gayunman, natuklasan nilang nagpanggap si Mirambil na siyang may-ari ng ari-arian at isinanla ito sa biktimang si Redison Sison Rigor, 34, sa halagang P1M, lingid sa kaalaman ng tunay na may-ari.

Nagbigay umano si Rigor ng P850,000 kay Mirambil noong Nobyembre 17, 2022 bilang paunang bayad habang ang kakulangan umano ay ibibigay sa susunod na tatlong araw.

Gayunman, bago nakumpleto ang bayaran ay nakontak umano ni Rigor si Realce at dito niya natuklasang na-scam siya ni Mirambil kaya agad silang nag-report sa pulisya na agad nagkasa ng entrapment kaya nakorner ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang P60,000.00 marked money na ginamit sa operasyon. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID