WebClick Tracer

LIFESTYLE

Sana lahat ay sing-kalmado ni Melecio

Kaya mo bang mabuhay sa P700 na maiuuwi mula 6:00am hanggang 12:00 ng hatinggabi?

Kung ang 51 anyos na taxi driver na si Melecio Garcia Jr ang tatanungin, tila kinakaya niya ito sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon na mula gasolina hanggang sa halos lahat ng ibang bagay ay pataas na pataas ang presyo.

Minsan akong naging pasahero ng mamang ito at binuksan ko ang kuwentuhan habang kami ay nasa biyahe dahil sa mga taxi na aking pinara ay siya lamang ang hindi nagreklamo nang sabihin ko ang lugar kung saan ako magpapahatid.

Galing ako noon sa bahagi ng Meralco sa Commonwealth Avenue at magpapahatid sa Metrowalk sa Pasig at ang unang dalawang taxi na pinara ko, kung saan doon sa isa ay nakaupo na ako ay napilitan pa rin akong bumaba matapos na tumanggi ang drayber.

Bakit nga ba hindi nawawawala ang mga ganitong pag-uugali ng mga taxi driver?

Pero nang parahin ko ang taxi na minamaneho ni Melecio ay hindi ko na kailangang magpaliwanag ng mahabang pangungusap dahil matapos niyang marinig ang destinasyon ay agad kaming bumiyahe.

Nasa P1,150 ang kanyang arawang boundary na ayon na rin sa kanya ay ipinapasok na lamang niya sa G cash account ng kanyang operator, sa kanila na rin niyang iginagarahe ang taxi at ang mahalaga ay hindi lamang daw ito mapahamak.

May limang anak si Melecio pero tila tanggap na niya ang hamon sa buhay na talagang pahirapan ang pagtawid sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon at hindi ko man lamang naramdaman sa kanyang mga sagot sa tanong ko ang sama ng loob sa mga aspetong nagpapabigat sa araw-araw niyang pagtawid sa buhay.

Ayon sa kanya, pinakamaganda ang kanyang pakiramdam sa usapin ng iniuuwing kita sa pamilya noong ang presyo ng gasolina ay nasa paga-P40 lamang kada litro dahil nasa P1,300-P1,500 ang kanyang arawang uwi at noon ay hindi pa rin gaanong mataas ang presyo mga bilihin.

Pero ngayong lagpas-leeg na at sayad na sayad na sa baba ang presyo ng mga bilihin, pareho kaming sumang-ayon sa pilosopiyang patibayan na lang ng katawan at pagalingan ng diskarte ang galawan.

Bigla ko tuloy naalala ang mga reklamador sa social media na pinagkalooban na ng trabahong nakaupo lamang maghapon, mataas at siguradong suweldo kahit hindi araw-araw magsipag at mabango pa rin paglabas
.
Kung sila siguro ang nasa kalagayan ni Melecio ay baka hindi lang hugot sa social media ang kanilang ginawa.

Nakakabilib ang pagiging kalmante ni Melecio sa kabila ng napakalimitadong puhunan na kailangan niya pang pagpaguran ng todo maghapon para lamang mayroon siyang maipagulong para sa pamilya.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID