WebClick Tracer

OPINION

Bad news bubungad sa 2023?

May magandang balita sa mga OFW na nagtrabaho sa Saudi Arabia na matagal nang abanger sa kanilang backwages. Pero dobleng bad news naman sa mga sumasakay sa EDSA Bus Carousel pagsapit ng 2023.

Ang good news sa mga OFW na nagtrabaho sa KSA na tumanda sa kakahintay sa kanilang backwages mula pa noong 2015-2016, baka makuha na nila ang kanilang inaasam na sahod dahil nangako raw ang Saudi Crown Prince na si Mohammed bin Salman na sasagutin na ng kanilang pamahalaan ang naturang atraso ng mga kompanyang nagsara at nabangkarote nang panahong iyon.

Handa raw sumuka ng 2 bilyong riyal o nasa P30 bilyon ang gobyerno ng KSA para bayaran ang backwages ng nasa 10,000 OFWs. Mas maganda kung maibibigay ang naturang pera ng mga OFW bago matapos ang 2023 bilang pamasko.

Ang mahirap, baka may politikong Pinoy adviser itong si bin Salman na naniniwala sa kasabihang… “pinangakuan na nga, gusto pang tuparin.” Aba’y huwag naman sanang maging paasa.

Kung may kaunting good news sa mga OFW ng KSA na abangers sa sahod nila, bad news naman sa marami ang sasalubong sa 2023 pagdating sa dagdag na gastos.

Ang mga alipin ng libreng sakay sa EDSA bus carousel, kailangan nang bumunot sa bulsa ng pamasahe sa Enero 2023 dahil hindi na magiging libre ang pagsakay rito.

Habang isinusulat natin ito, wala pang pondo na inilalaan ang Kongreso para sa libreng sakay sa EDSA bus carousel sa 2023. Kaya tiyak na aaray ang mga suki ng EDSA bus carousel kapag may bayad na, lalo na ang malalayo ang biyahe.

Pero may mga utaw din na pabor na alisin na ang libreng sakay sa EDSA bus carousel dahil sa buwis daw naman ng lahat ng Pinoy ang ipinopondo sa libreng sakay pero hindi naman lahat ay nakikinabang.

Kahit nga raw ang pasahe sa MRT at LRT, dapat din daw na pasanin na nang buo ng mga pasahero at huwag nang lagyan ng subsidiya ng gobyerno na galing din sa buwis.

But wait there’s more! Simula sa Enero 2023, tataas na rin ang singil sa tubig dahil inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang hirit ng Manila Water at Maynilad.

Utay-utay ang gagawing taas-singil ng dalawang kompanya hanggang 2027. Ang Manila Water, kabuuang P20.37 per cubic meter ang ipatutupad na taas-singil sa loob ng limang taon. Habang aabot naman sa P13.69 per cu.m. ang sa Maynilad.

Ang taas-singil daw ay para matustusan nila mga tropapips ang mga magiging proyekto nila sa susunod na limang taon.

Pero may mga kurimaw tayo na tumaas ang isang kilay dahil parang nataon daw sa desisyon ng Korte Suprema na inaatasan ang MWSS, Maynilad at Manila Water, na magbayad ng penalty sa paglabag nila sa Republic Act 9275 o Philippine Clean Water Act.

Ang kailangan nilang bayaran, P30,000.00 per day of violation na mula Mayo 7, 2009, hanggang Enero 21, 2022. Kung magkano ang total, kayo na ang magkuwenta dahil hindi na kasya sa calculator. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID