WebClick Tracer

METRO

Barangay captain nirapido ng tandem sa Fortuner

Nasawi ang isang barangay captain matapos na pagbabarilin ng riding in tandem habang sakay ng kanyang sport utility vehicle (SUV) sa Lemery, Batangas kamakalawa.

Isinugod pa sa ospital subalit hindi na rin naisalba ang buhay ng biktimang si Enrico Renwick Razon, 59-anyos, residente at kapitan ng Barangay District 3 sa Lemery.

Batay sa report ng Lemery Police, dakong alas-5:30 ng Martes ng hapon, nagmamaneho ang biktima ng kanyang Toyota Fortuner at tinatahak ang kahabaan ng lansangan sa Barangay Ayao-Iyao nang pagbabarilin ito ng mga suspek.

Ayon sa imbestigasyon, sinundan ng riding in tandem ang SUV ng biktima at ng maabutan ay pinaulanan ng bala ang kanang bahagi nito gamit ang maiksing kalibre ng baril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa likod ng katawan ang biktima at binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Metro-Lemery Medical Center.

Hindi naman nasugatan ang tatlong babaeng kasama ng biktima sa sasakyan.

Mabilis na tumakas ang mga hindi nakilalang suspek matapos ang pamamaril.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID