WebClick Tracer

METRO

Vietnamese kinidnap ng kababayan

Dakma ang dalawang Vietnamese matapos kidnapin at ipatubos ng P1 milyon ang babaeng kababayan sa Antipolo City, ayon sa ulat ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) kahapon.

Nadakip ng AKG ang suspek na si Minh Viet Phan, 29, nitong Nobyembre 17, at sumunod kinabukasan si Chi Trung Nguyen, 27.

Base sa ulat na ipinadala kahapon, huling nakita ang babaeng bihag nitong Oktubre 29 sa isang restaurant at kinagabihan ay nakatanggap ng video message ang boyfriend nito na sinasaktan ang biktima ng mga abductors at humihingi ng P50 milyon kapalit ng kalayaan ng biktima hanggang sa bumaba ng P1 milyon ang ransom money na nai-transfer ng pamilya sa pamamagitan ng dalawang tranches ng US Dollar account.

Ala-1:30 ng hapon nitong Nobyembre 16 nang abandonahin ng mga suspek ang biktima sa Blue Mountain, Sumulong highway sa Antipolo City kung saan ito nasagip ng pulisya.

Sa follow up operation ay unang nadakip si Minh Viet Phan sa kanyang condo unit sa Pasay City, habang si Chi Trung Nguyen naman ay sa isang KTV Bar sa Paranaque City. (Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID