WebClick Tracer

OPINION

Kulelat na naman

Kung pagandahan ng mga beach ang pag-uusapan, palaging nangunguna o kaya’y pasok sa Top 10 ang Pilipinas. Kaya naman paboritong pasyalan ng mga turista ang Boracay, Bohol, Palawan at iba pa. Gayunman, wala pa rin tayo sa kalingkingan ng Thailand pagdating sa paramihan ng turista.

Marahil, kapos tayo sa imprastraktura at maayos na transportasyon para makarating sa mga magagandang lugar ang mga dayuhang turista.

Sa Metro Manila lamang, isa tayo sa pinakamalala sa buong mundo pagdating sa usapin ng public transportation at urban mobility. Base ito sa resulta ng 2022 Urban Mobility Readiness Index.

Sa isinagawang pag-aaral sa 60 siyudad sa buong mundo, masasabing kulelat na naman ang Pilipinas matapos na pumuwesto tayo bilang ika-58 sa urban mobility readiness, 48th naman sa sustainable mobility at 56th sa public transit.

Sa mobility readiness, sinusukat dito ang kalidad ng public transit systems at ang bilis ng takbo nito, abot-kayang pamasahe at haba ng paghihintay.

Sa Hong Kong, napakaganda ng kanilang public transportation. Ang kanilang MTR, may siyam na linya na kinabibilangan ng Kwun Tong Line, Tsuen Wan Line, Island Line, South Island Line, Tung Chung Line, Tseung Kwan O Line, Disneyland Resort Line, East Rail Line at Tuen Ma Line.

Kung ikaw ay nasa dakong Tsim Sha Tsui at nagtitipid ka sa pamasahe patungong Hong Kong Disneyland, pupunta ka lang ng Tsuen Wan MTR patungong Tsuen Wan at bababa ng Lai King Station. Lilipat ka naman sa Tung Chung line at bababa ka sa Sunny Bay Station. Lilipat ka ng tren patungong Disneyland Resort Line.

Nakapasimple at hindi rin nakakapagod. Akyat o baba ka lang ng escalator, nasa ibang MTR line ka na.

Dito sa Pilipinas, kung gusto mong magtransfer mula Cubao Station ng MRT-3 patungong LRT-2, aba’y lalakarin mo pa ng pagkalayo-layo patungong Araneta Center saka papasok ng Gateway Mall. Hassle ‘di ba? Lalawit talaga ng dila mo sa paglalakad.

Ganyan kapalpak ang pagkakagawa ng train system sa Pinas. Inuuna kasi ang bulsa ng mga negosyante kaysa ang kapakanan ng mga mananakay.

Ang Hong Kong MTR, siyam ang kanilang linya. Sa Pilipinas, tatlo pa lang ang gumagana at makakahiwalay pa. ang LRT-1, LRT2 at MRT 3.

Kaya naman ang mga medyo nakakaangat sa buhay, bumibili na lamang ng sasakyan kaysa sumakay sa public transportation system.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on