WebClick Tracer

NEWS

Loren Legarda: DENR tanim-puno binuhusan ng P50B, wa epek

Hindi kumbinsido si Senador Loren Legarda sa pagpapatupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng National Greening Program (NGP) dahil hindi naman umano naramdaman ang epekto nito sa bansa.

Sa panayam kay Legarda ng DWIZ kahapon, sinabi ng senador na higit P50 bilyon na rin ang naibigay na pondo para sa naturang programa sa nakalipas na 10 taon subalit tila wala aniyang nangyayari.

“Tama po kayo alam n`yo higit P50 bilyon na ang naibigay sa past 10 years pero `di maramdaman ang epekto,” wika ni Legarda.

Ito ang dahilan aniya kung bakit tinapyasan ang pondo ng programa sa ilalim ng 2023 national budget.

“Gusto natin makita kung saan napupunta (ang budget) at pinalagay yata sa protected areas….Siguro `di sapat kasi `di natin masyadong makita ang positibong epekto nito sa nakaraang 10 taon,” ayon kay Legarda.

Binigyang-diin pa ng senador na hindi dapat nagtatapos sa pagtatanim ang naturang programa ng DENR.

“It should be a growing activity at dapat akma ang itatanim sa lupa,” dagdag pa ni Legarda.

Batay sa DENR website, ang NGP diumano ang pinakaambisyosong reforestation program ng gobyerno at target nito na makapagtanim ng 1.5 bilyong puno sa 1.5 milyong ektarya ng lupain sa loob ng anim na taon, mula 2011 hanggang 2016.

Pinalawak pa ang programa sa pamamagitan ng Executive Order No. 26 na nilagdaan noong Pebrero 24, 2011 kung saan ay ginawa ang coverage nito na mula 2016 hanggang 2028.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on