WebClick Tracer

NEWS

Epal sa P15.6 bilyong expired COVID bakuna sasampolan

Tinalakan ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang Health Technology Assessment Council (HTAC) dahil sa nasayang na 31 milyong dose ng COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng P15.6 bilyon.

Magugunitang sinisi ni Iloilo Rep. Janet Garin ang HTAC sa nag-expire na bakuna dahil sa matagal na pagdedesisyon ng ahensya.

Sa isang panayam ng SMNI News noong Sabado, Nobyembre 26, iginiit ni Roque na siya ang may-akda ng batas na naglikha sa HTAC kaya kabisado niya ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Universal Healthcare Law.

“Hinding-hindi ko naging intensiyon na uulitin niya [HTAC] ang trabaho ng FDA (Food and Drug Administration). Eh nung bagong bakuna naririyan na, hindi pa rin magamit kasi walang approval ang HTAC. Kaya nga kinausap ko si Presidente (Rodrigo Duterte) at sinabi kong ako ang awtor ng batas na ‘yan… alam ko kapangyarihan ng HTAC,” ani Roque.

“Ang ahensya at departamento ng gobyerno na magde-determine kung ligtas o hindi ang bakuna ay ang FDA, pagkatapos ma-approve ng FDA na ‘yan hindi na dapat itong repasuhin ng HTAC,” dagdag niya.

“Ang ginawa ng HTAC, palibhasa marami rin diyang walang tiwala sa China, nung dumating ang Sinovac aba’y ayaw ibigay sa taumbayan. So, nandun na ‘yung Sinovac hindi magamit dahil walang approval daw ng HTAC tapos mayroon na ngang supply ang gusto nilang bilhin mga made in America, eh wala nga tayong makuhang made in America… ayaw nila mag-authorize ng paggastos,” ayon pa kay Roque.

Iniisip din umano ni Roque na idemanda ang HTAC dahil dapat may managot sa nasayang na mga COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng P15.6 bilyon.

“Kayo ha [HTAC], ang kakapal ninyo! Ako ang awtor ng batas na ‘yan, no doubt, hindi ko kayo binigyan ng power to veto na paggamit ng bakuna kung ‘yan ay aprubado ng FDA. How dare you?! Iisa-isahin ko kayo. Kapag ako may panahon idedemanda ko pa kayo dahil ako ang gumawa ng batas na ‘yan kaya alam ko kung anong kapangyarihan n’yo! Hindi n’yo papel ang trabaho ng FDA,” giit pa ng dating kalihim. (Issa Santiago)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on