WebClick Tracer

OPINION

Kapag maganda ang layunin ng batas, ‘di dapat sinasayang

Napakalaking ayuda sa mga mahihirap nating kababayan ang nilagdaang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 11552 o mas kilala bilang “An Act Extending and Enhancing the implementation of the Lifeline Rate, Amending for the Purpose Section 73 of Republic Act. No. 9136 (Electric Power Industry Reform Act of 2021).”

Ang batas na ito ay naglalayong dagdagan pa ng 30 taon ang subsidiya sa gastusin sa kuryente ng mga maralitang pamilyang Pilipino.

Dati pang naamyendahan ang batas na ito noong nakaraang administrasyon subalit hindi naipatupad dahil hindi nalagdaan ng mga dating opisyales ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 11552. Kapag walang lagda, gaano man kaganda ang isang batas ay hindi ito maipatutupad at masasayang lamang.

At kamakailan nga, pinangunahan nina DOE Secretary Raphael P.M. Lotilla, Energy Regulatory Commission (ERC) Chair Atty. Monalisa Dimalanta at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin T. Tulfo, ang paglagda sa IRR ng R.A. 11552.

Ngayong nalagdaan na ang IRR, opisyal at legal nang may bisa ang dagdag na 30 taon na ayuda sa buwanang gastos sa koryente ng halos anim na milyong mga kababayan natin. Ang Lifeline Rate o ayuda ay dating 20 taon lamang. At dahil nadagdagan ng 30 taon, 50 taon nang magkakaroon ng ayuda sa kanilang bayarin sa kuryente ang mga maralitang konsyumer.

Isang napakalaking agapay sa pamumuhay at tulong sa pag-ahon sa kahirapan ng mga benepisaryo ng Lifeline Rate ang nadagdag na 30 taon.

Kasama sa mga lumagda si DSWD Secretary Tulfo dahil ang kanyang ahensya ang tutulong para tukuyin ang tunay na mahihirap na siyang benepisaryo ng 50 taong subsidiya ito. Makakabilang dito ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kung tutuusin ang Lifeline Rate ay inisyatiba ng dating administrasyon kaya nakakatuwa na ginawa pa rin itong prayoridad nina DOE Sec. Lotilla, ERC Chair Dimalanta at DSWD Sec. Tulfo kahit ang pumopogi dito ay ang dating administrasyon.

Sa nagiging kalakaran kasi sa gobyerno, ang kay Pedro ay kay Pedro at ang kay Juan ay kay Juan. Sa sistemang ito, ayaw ni Juan na ipagpatuloy pa ang programa ni Pedro at mas gusto niyang programa niya ang matutukan dahil ang kredito ay sa kanya.

Pero balewala sa tatlong opisyales natin na hindi sa kanila ang orihinal na programa. Sa halip isinaalang-alang nila na ito’y para sa ikabubuti ng mga anim na milyong mahihirap. Hindi nangibabaw ang pamumulitika, ika nga.

Kung ganito ang mananaig sa gobyerno, hindi masasayang ang mga magagandang programa na tunay namang nakakatulong sa nakararami.

Hangad naming maipatupad nang maayos itong subsidiya sa kuryente. Nawa’y hindi ito pasukin ng anumang kulay ng politika.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on