WebClick Tracer

OPINION

Eksperiment sa adik?

May ilang tropapips tayo na napangiwi sabay kagat ng ngipin sa tinatalakay na panukalang batas sa Senado na alisin na ang parusang kulong sa mga adik.

Sa panukala, sa halip na ikulong nga raw, dapat na sa rehab center ilagay ang mga adik o “user.” Sabi ng isang senador, hindi raw dapat tratuhing “kriminal” ang mga adik.”

Kung tutuusin daw ay “biktima” ang mga adik. Kaya kung isasama sila sa kulungan, para na rin silang pusukal na kriminal. Mas dapat daw na tratuhing “sakit” ang pagiging adik, at ang pagdadala sa kanila sa rehab ang “gamot,” at hindi kulong. Eh di Wow, Adik!

Kaya lang, tutol sa naturang panukala ang mga nagpapatupad ng batas, partikular ang mga pulis, PDEA at NBI, na nanghuhuli ng mga drug lord, tulak at adik.

Kasi nga naman, malinaw sa batas (ang Comprehensive Dangerous Drugs Act), na walang tao ang dapat mag-ingat, magtago, gumamit o magbenta, o gumawa ng anumang uri ng ilegal na droga–shabu, marijuana, coccaine, esctacy, at iba pa.

Kapag mayroon kang ilegal na droga, maging user o adik ka man o tulak, swak ka sa asuntong “illegal possession of dangerous drugs,” na may parusang kulong. At ang isang senador, gusto na ihiwalay sa klasipikasyon ang mga “user” bilang “biktima” na hindi dapat ikulong at sa halip nga eh i-rehab na lang.

Pero alam kaya ng senador na may mga “user” na “tulak” din? Kung mahuli ang tulak na ilang gramo lang ang hawak, puwede rin siyang magkunwaring “user” lang para lusot sa kulong at rehab na lang.

Babala ng mga awtoridad, magbibigay ng maling senyales sa kampanya laban sa ilegal na droga kung aalisin ang kulong sa lahat ng magpapakilalang user lang.

Kasi nga naman, lalakas ang loob ng mga gustong gumamit dahil alam nilang rehab lang ang bagsak nila at hindi selda. Kahit ang mga tulak at drug lord, baka magpista dahil dadami ang kliyente nila.

Sabi ng isang tropapips natin na may hati sa gitna ang buhok, hindi raw kailangan kung tutuusin ang panukalang pinag-uusapan sa Senado dahil mayroon namang “plea bargain” sa mga aamin na “user” sila at hindi tulak.

Sa umiiral na batas ngayon, kahit ang mga “first offender” na mahuhulihan ng ilegal na droga at idedeklarang user lang, anim na buwan sa rehab ang parusa. Pero kapag nahuli ulit, wala nang lusot sa kulong na anim hanggang 12 taon.

Dukod doon mga tropapips, depende sa dami ng ilegal na droga na mahuhuli ang bigat ng parusang ipapataw. Kapag nahulihan ka ng 50 gramo o higit pa ng shabu, abay habambuhay ang parusang kulong. Pero paano kung “user” lang talaga mahuhulihan ng ganito karami ng shabu? Rehab pa rin ba?

Hirit ng isang senador, hayaan na lang daw nilang ipasa muna ang alis-kulong sa mga adik. At kung hindi raw epektib (baka ibig niyang sabihin kung dadami lalo ang adik) gawa na lang daw uli sila ng panukala para ibasura o pawalang bisa ang ginawa nilang sablay na batas.

Aba’y para lang palang sumusulat sa computer ang paggawa ng batas, na kapag nagkamali sa pag-type, puwedeng “delete” lang. Papaano kung may napatay o ginahasa ang naging first time adik na tumikim ng shabu dahil alam kasi niyang rehab lang ang punta niya at hindi kulong, puwede ring bang “delete” na rin lang ang naging biktima niya? Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on