WebClick Tracer

OPINION

Panawagan sa lokal na pamahalaan

Lalagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order upang maisulong ang ease of doing business nang sa gayon ay pumasok ang maraming investment sa Pilipinas.

Aatasan sa EO ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na magtayo ng ‘Green Lane,’ upang sa gayon ay mapabilis at ma-streamline ang proseso at mga rekisitos sa paglalabas ng permit at lisensiya, kabilang na ang pagresolba sa mga iyung may kaugnayan sa mga strategic investment.

“Malaking bagay ‘yun. That will address immediately ‘yung tinatawag na ease of doing business na laging nirereklamo sa atin,” wika ni Marcos.

Magandang balita ‘yan para naman mabawasan na ang red tape sa gobyerno.

Pero may panawagan ang mga trucker at hauling services company sa bansa, sana ipatupad din ito sa kanilang hanay. Hamon nila, suspendihin ng national government ang pangongolekta ng lokal na pamahalaan ng San Simon sa Pampanga ng toll fees sa mga trucker.

“If the current administration is committed to supporting ease of doing business to push the country’s economic growth, they need to take action in suspending the collection of illegal toll fees in San Simon,” saad ni Robert Ramos, owner ng RTR Trucking.

Sinasabi nilang illegal ang paniningil ng P300 toll dahil sa national road naman sila dumadaan at hindi ito sakop ng huridiksyon ng San Simon LGU.

Noong Abril 2021, nag-isyu na ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Finance (DOF) at ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2021-01 upang ipatigil ang koleksyon ng “illegal fees and taxes on goods and products” ng nasabing LGU. Pero inisnab lamang ito ng nakaupong alkalde ng San Simon na si Abundio Punsalan Jr.

Noong Nobyembre 24, 2022, nagsagawa ng special session ang Sangguniang Bayan (SB) ng San Simon sa pangunguna ni Vice Mayor Romanoel Santos at binalangkas ang ordinansa para isuspendi ang koleksyon ng P300 toll fees sa mga hauling, trucking services at iba pang heavy equipment unit na may operasyon sa San Simon.

Ang Ordinansa ay dinala sa tanggapan ni Mayor Punsalan pero tumanggi raw itong pirmahan at mag-isyu ng executive order para sa implementasyon nito.

Bakit hindi mabitawan ng LGU ang pangongolekta ng toll fees sa mga trucker? Umaabot daw kasi sa P100 milyon ang pinapasok na revenue nito sa lokal na pamahalaan. Malaking bagay nga naman ito para sa isang maliit na bayan.

Pero sino ang magpapasan ng dagdag gastos ng mga trucker? Malamang na ipasa ito sa mga consumer. Kawawa naman ang mga ordinaryong mamamayan.

Hindi lang yan, posibleng magsara rin ang mga pabrika sa bayan dahil nahihirapan daw sila sa pagdedeliber ng kanilang kalakal at mga produkto. Ang tatamaan nito ay ang mga worker na mawawalan ng trabaho. Aray ko po!

Malaki ang kontribusyon ng logistics transport services sector sa ating Gross Domestic Product (GDP). Ang anumang abala sa kanilang operasyon ay magpapabagal din sa takbo ng ating ekonomiya.

Sana naman, maisip din ng Punong Lungsod ang implikasyon nito sa ekonomiya, lalo na sa mga manggagawa. Bukas ang pitak na ito sa anumang pahayag ng alkalde ng nasabing bayan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on