WebClick Tracer

OPINION

Mga anak ‘wag ilagay sa peligro

Nagkalat pa rin ang mga magulang na walang pakialam sa disgrasyang maaring sapitin ng kanilang anak na angkas sa motorsiklo.

Ang malupet makakikita ng ganitong tagpo sa mga pangunahing kalsada hindi lang sa Metro Manila kundi lalo na sa mga probinsya.

Hindi ko maintindihan bakit nakakalusot sa mata ng mga awtoridad ang diskarteng ito ng mga magulang.

Sa tingin ko dapat nang natigil ang pag-angkas ng mga magulang sa mga paslit dahil kamatayan ang tiyak na sasapitin ng kanilang anak lalo na’t nasa murang edad ang mga ito.

Nakaraang linggo ay isang 7-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos mahulog sa motorsiklong minamaneho ng kanyang nanay.

Kalunus-lunos ang kamatayang sinapit ng batang nahulog sa motor dahil nagulungan pa ito ng tanker truck.

Bigla umanong lumiko ang nag-ina patungo sa isang gas station kunsaan nagta-trabaho ang live-in partner ng babae na tatay ng bata nang mangyari ang aksidente.Hindi ba’t nakakakilabot?

Nahulog ang bata at bumagsak sa kalsada na sa kasamaang palad ay nagulungan pa ng nakasalpok na truck.

Mapalad ang ina dahil minor injury lamang ang inabot nito pero nakatitiyak akong abot-abot ang kanyang pagsisisi sa pangyayari.

Maliban sa nasabing paslit ay isa ring 7 buwang sanggol na babae ang nasawi nang magulungan ng dump truck makaraang sumemplang ang motorsiklong sinasakyan ng kanyang mga magulang.

Tinangka umanong mag-overtake ng pamilya sa nasa unahang dump truck na kargado ng tubo pero nabulaga na naging sanhi ng aksidente.

Sa loob lamang ng isang linggo ay dalawang paslit ang nagbuwis ng buhay dahil sa aksidenteng sinapit ng kanilang mga magulang.

Huwag na nating hayaang maulit pa ang ganitong kalunus-lunos na aksidente dahil kaawa-awa ang mga batang nagiging biktima.

Panahon na para panagutin ang mga magulang na naglalagay sa peligro ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pag-aangkas ng mga ito sa motorsiklo.

Kung madalas man silang makalusot sa batas, siguro naman ay tamaan na sila ng matinding konsensiya dahil hindi lang aksidente ang maaring harapin ng kanilang mahal sa buhay kundi mas malala pa.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on