Naglabas ng sama ng loob si Matet de Leon sa kanyang YouTube Live dahil sa ginawa ng kanyang inang si Nora Aunor na direktang pagkompitensiya sa kanyang itinayong negosyo na gourmet tuyo at tinapa kaya nasabi niyang hindi talaga sila mahal ng nanay nila.
Nauna si Matet na magtayo ng naturang negosyo na tinawag niyang Casita Estrada na may mga peoduktong quality homemade Gourmet Tuyo, Gourmet Tinapa, Sisig Bagoong, at Bagnet Bagoong. Sabi ni Matet, mismong ang mister niyang si Mickey Estrada ang nagluluto at tumutulong sa kanya sa pagtitinda nito.
Ayon pa kay Matet, alam ng nanay niya ang tungkol sa kanyang negosyo kaya naman talagang sumama ang loob niya na mismong si Nora pa ang nag-send sa kanya ng pictures ng mga produktong ilalabas nito na Ate Guy’s Gourmet Tuyo at Gourmet Tinapa.
Ipinost pa ni Matet sa kanyang Instagram ang pictures ng mga produkto nila ni Nora kasama ang caption na, “Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? how can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO. Nung isang gabi, sinabihan ako na na mag resell na lang ng products ng nanay ko. Pinag hihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko. Alam niyang may produkto akong ganyan… Marami naman daw akong taping. Ano sa tngin niyo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN NIYO BA SA MGA ANAK NIYO TO?”
Sa kanyang YouTube vlog ay mas inilabas pa ni Matet ang kanyang saloobin.
“Nung Wednesday natutulog ako. Paggising ko si mommy meron siyang message sa akin. Siyempre kapag si mommy nag-message sa akin, ‘Ay may message si mommy. Anong kailangan ni mommy? Kailangan ko attend-an ang pangangailangan ng mommy ko.’ Unang una kong nakita ay ‘yung mga sinend sa akin ng mommy ko na mga produkto nga niya.
“Naloka ako talaga. Nag-hyperventilate ako. Kasi pagdilat na pagdilat ng mata ko, chineck ko ‘yung phone ko, pagkita ko, may message si mommy at ‘yun ang message niya sa akin. Hindi ko pa alam kung anong rason kung bakit niya sinend pa sa akin ‘yung pictures na iyan. Kasi hindi ko na siya gustong kausapin,” she added.
Dahil nga rito maraming Noranians ang naguluhan kung bakit ito nangyayari na mayroong banggaan ng negosyo. Pero sabi nga ni Matet, hindi naman nila kailangan pag-agawan ang Noranians para maging customer
“Hindi naman para sa pag-agawan pa namin ang Noranians ‘di ba? Hindi naman ‘yun ang punto ko. ‘Mommy, huwag naman po kasi paano na? Wala na akong bebentahang Noranians. Sa ‘yo na bibili.’ Hindi naman po ‘yun. Marami naming tao sa Pilipinas at sa buong mundo na pwede naming pagbentahan.
“Ang akin lang pong sentiment, paanong nagawa sa akin ito? Direktang kompitensya kasi. Paano niyo nagawa sa akin ito? Ako ay hindi nagsasalita tungkol sa mga issue… paano nagawa ng nanay ko sa akin ito? Hindi ko matanggap. Ano ‘yung punto? Hanggang ngayon hindi ko alam.”
Kaya nga raw siya nagtayo ng negosyo dahil dumalang na ang mga ginagawa niyang mga proyekto. Ito ang ginawa niyang fallback nitong pandemya. Mahirap pa para sa kanya na araw-araw niyang nilalabanan ang pagiging bipolar niya na isang mental illness.
“Imagine niyo, bipolar ka na nga, nalulungkot ka na nga, tapos nangyari pa ito? Imagine niyo ‘yung lungkot ko at gulat ko sa nangyari. Imbes na sinuportahan ako, imbes na, ‘Go anak!’ Hindi. Hindi ko talaga alam kung anong rason,” aniya pa.
Hindi na nga napigilan ni Matet ang pagbuhos ng luha niya dahil pakiramdam niya ay trinaydor siya ng sariling ina at lalong ipinaramdam ang pagiging ampon niya.
“Para akong trinaydor, grabe ampon na ampon ‘yung pakiramdam ko ngayon. Ang lakas maka-ampon nung ginawa nila. Damang-dama ko.”
Mas matindi pa ang sumunod na paglalahad ni Matet. “Walang gagawa nito sa anak nila. Ang ibig sabihin lang nito, hindi talaga ako tinatratong anak. At ‘yung mga malalapit sa kanya, they also feel that mommy doesn’t love us. Hindi niya gagawin ito kung mahal niya kami. Ngayon ko lang na-realize talaga na hindi kami mahal ng nanay namin.”
Gusto lang linawin ni Matet na hindi niya ginawa ang YouTube Live na ito para magpaawa, para mapag-usapan, para mapansin ulit sa industriya at magkatrabaho. Gusto lang niyang ihayag ang kanyang saloobin at mabigyan ng linaw ang sitwasyon kinakaharap nila ng kanyang inang si Nora. (GLEN P. SIBONGA)