WebClick Tracer

OPINION

Poe pinalagan pahirap sa mga rider, tsuper

Hindi talaga matiis ni Sen. Grace Poe kapag nakikitang may naaargrabyadong tsuper o rider sa bansa. Manang-mana talaga siya sa namayapa niyang amang si Fernando Poe Jr. na laging ipinagtatanggol ang mga tsuper, hindi lamang sa pelikula kundi pati sa totoong buhay.

Tandang tanda ko pa noon ang pelikula ni FPJ na “May Isang Tsuper ng Taxi” na talaga namang pinilahan ng mga manonood noon. Kahit walang tumatakbong rolyo ng pelikula, kilalang matulungan sa mga tsuper si Da King, bagay na naman ng kanyang anak na si Sen. Poe.

Kamakailan lang ay umalma ang grupong Laban TNVS sa plano ng Grab Philippines na magtaas ng commission rate sa mga rider at driver.

Agad itong pinalagan ni Sen. Poe dahil magreresulta raw ito sa dagdag na pahirap sa mga rider at driver. Sabi pa ng chairperson ng Senate committee on public services, dapat din busisiin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang plano ng Grab na magpataw ng dalawang porsiyentong pagtaas sa commission rate simula ngayong Disyembre.

“This is unconscionable in the midst of economic hardships that Filipinos face to get through every day. Every peso that drivers and riders earn comes from hard work poured [into bringing] passengers home or [delivering] parcels right at our doorsteps,” sabi ni Poe sa isang pahayag.

Hindi raw ito ang dapat gawin ng kompanya. Imbes na palakihin ang kita ng kompanya, dapat umanong palakasin ang social protection at benepisyo ng mga rider at driver.

“As vital frontliners in the service sector, riders and drivers have helped keep the local economy going. They, too, long for an easy ride,” ayon kay Poe.

Bad timing nga naman ang pagtataas ng commission rate dahil nataon ito na napakataas ng presyo ng bilihin sa bansa. Noong Oktubre, pumalo sa 7.7 porsiyento ang inflation rate sa Pilipinas at inaasahang tataas pa ito nitong Nobyembre, base na rin sa pagtaya ng ilang economic manager ng gobyerno.

Napapanahon lamang ang pagkalampag ni Sen. Poe sa LTFRB upang gumawa ng kaukulang hakbang ang ahensiya para marendahan ang kompanya sa pagtaas ng commission rate.

Isa tayo sa mag-aabang kung ano ang magiging aksyon ng LTFRB sa reklamo ng mga rider at driver sa nasabing kompanya.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on