WebClick Tracer

LIFESTYLE

Alerto vs dash cam scammer

May mga pagkakataon talagang naghahangad ka na makamura sa bibihling bagay-bagay pero madadale ka ng scammer.

Ganito po ang nangyari sa akin matapos na makakita ako ng post sa social media tungkol sa isang brand ng dashcam na halos lahat ng katangian na hinahanap ko gaya ng wireless connectivity sa power outlet dahil solar powered na, smartphone connectivity at driving guides ay naroon na sa halagang halos hindi ko mapaniwalaan sa sobrang mura.

Hindi ko na po babanggitin ang brand ng dashcam pero ito po ay nakapost sa isang Facebook page na may pangalang ODENWOND.
At ‘yun nga dahil andu’n na lahat ng features na hinahanap ko, agad kong ibinigay ang link sa aking maybahay at siya ang pinaproseso ko dahil mas sanay siya sa pagbili ng kung anu-ano via online apps.

Maganda ang sistema ng bayaran, COD at dadagdagan mo na lang shipping fee.

Maagang dumating sa bahay ang delivery sa pamamagitan ng Ninja Van, sa pagkakaalala ko ay isang araw itong nauna kumpara sa itinakdang petsa ng delivery date at nagkataon namang wala kami kaya ang kasama na lamang namin ang tumanggap.

At eto na nga, pagbukas ko ng parcel ay agad akong kinabahan dahil ang karton pa lamang na lalagyan ng dashcam ay gula-gulanit na at parang pilit na lamang pinagdikit-dikit at lalo akong nadismaya nang makita ko na ang laman.

Hindi ang nasa FB page ng ODENWOND ang dumating sa akin kundi isang generic dashcam na walang memory card, hindi solar powered at hindi puwedeng i-sync sa smartphone, in short hindi nito tinataglay ang lahat ng hinahanap ko.

Sinubukan kong kontakin ang number ng sender na nagngangalakong Kokoi na may mga numerong 09690499545 at 09558460352 subalit hindi matawagan ang mga ito.

Nagpadala rin ako ng mensahe sa messenger ng kanilang FB page pero nang mabasa na ako ay nagrireklamo ay blinock na ako.

Sa parcel ay mayroon pang nakalagay na Note to the buyer: No video upon opening the parcel No return No exchange.
Maliwanag na nascam nga ako.

Nasa P1990 ang halaga ng dashcam na nakapost sa kanilang page pero umabot ng P2450 ang aking binayaran dahil sa shipping fee.

Ilan na kaya ang naloko ng mga taong ito? Me nagagawa ba ang DTI sa mga ganitong mapagsamantala?

Nga pala, daming nagcocomment sa kanilang post at interesado ring bumili ng naturang dashcam.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on