WebClick Tracer

NEWS

PH utang sumipa ng P13.6T

Halos P2 trilyon na ang nadagdag sa utang ng Pilipinas ngayong taon.

Sabi ng Bureau of the Treasury kahapon, nasa P13.64 trilyon na ang utang ng pamahalaan noong katapusan ng Oktubre at P1.91 trilyon o 16% na ang nadagdag dito mula katapusan ng Disyembre 2021.

Kung titingnan sa umpisa ng administrasyong Marcos Jr., P849 bil­yon na ang nadagdag sa utang ng bansa sa apat na buwang panunungkulan nito.

Kung paghahati-hatiin ito sa 111 milyong Pilipino, sanggol man o matanda, bawat isa ay may utang na P122,892 o higit pa sa anim na buwang suweldo ng isang minimum wage earner.

Ayon sa BTr, P9.36 trilyon nito ay utang sa loob ng bansa at P4.29 tril­yon ay utang sa mga international creditors na dolyar ang bayaran.
Lumalaki nang lumalaki ang utang ng pamahalaan dahil mas malaki ang ginagastos nito kaysa sa nakukuha mula sa koleksyon ng buwis, taripa, fees and charges at iba pa. Dahil parating kulang ang pondo ng pamahalaan para tustusan lahat ng gastusin, utang ito nang utang. Noong Oktubre, halimbawa, P288.87 bilyon lamang ang koleksyon ng pamahalaan samanta­lang ang gastusin nito ay P387.93 bilyon. Kahit P99 bilyon lamang ang kulang, P176.56 bilyon naman ang inutang nito. (Eileen Mencias)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on