Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s party Rep. Arlene Brosas ng hustisya at patas na imbestigasyon sa pagpaslang sa negosyante at model na si Yvonne Chua Plaza sa Davao City.
Sinabi ni Brosas na dapat tiyakin ng mga awtoridad na walang makalulusot sa imbestigasyon sa pagpatay kay Plaza na binaril ng malapitan sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Tugbok, Davao City noong Disyembre 29.
“As we look towards 2023, we vow to intensify efforts to end violence against women and to engage the Marcos Jr. regime on its lack of decisive action to reduce vulnerabilities of Filipino women,” sabi ni Brosas.
Ayon kay Brosas nag-viral ang isang post sa Facebook na nag-uugnay kay AFP 1001st Brigade Commander Jesus Durante III sa insidente.
Si Durante ang hepe ng Presidential Security Group (PSG) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, mariing itinanggi ni Durante na may kinalaman siya sa pagpatay kay Plaza na aniya’y kanyang kaibigan.
“Yvonne was a friend,” pahayag ni Durante sa ulat ng Inquirer. “My name is being dragged based on an FB (Facebook) post made last April 2022 wherein [she said] I allegedly hurt her. She later retracted the post and issued a statement that I did not in any way harm her.”
Aniya pa, nalulungkot siya sa pagkamatay ni Yvonne, “I, myself, demand justice for Yvonne.”
Bumuo na ang Davao Police ng ‘Task Force Yvonne’ nitong nagdaang Sabado para tutukan ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Plaza. (Billy Begas)