WebClick Tracer

LIFESTYLE

Sa halip na pasuwelduhin, mga staff inareglo ni Cong ng TUPAD

Sadya nga yata na may mga tao talaga na walang ibang iniisip kundi ang pansiriling interes lamang kahit na ang kapalit ay ang pagkaabragyado ng mga taong nagtatrabaho para sa kanya.

Ganito ang kuwento ng mga staff ng isang kongresista na ga-bundok ang pagkadismaya dahil hindi natupad ang mga numerong nasa isipan nila nang mag-umpisang magtrabaho sa kanya.

Hindi naman kasi lingid sa atin na sa kasalukuyang panahon, medyo angat na ang mga empleyado ng gobyerno sa pribadong sektor kung ang pag-uusapan ay ang suweldo, mga benipisyo at iba pang kapakinabangan.

Pero sa situwasyon ng mga staff ng kongresista, hindi ito natupad at sa halip ay naging benipisyaryo sila ng TUPAD program kahit na hindi naman sila nag-aaplay at lalong hindi naman daw sila kuwalipikado.

Doon sa mga hindi pamilyar sa TUPAD, ito ay ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating mga Disadvantaged/Displaced Workers na ipinatupad ng gobyerno noong nasa kasagsagan ang pagkasindak ng sambayanan sa pandemya na naging dahilan upang ang mga manggagawa ay awatin sa pagpasok sa kani-kanilang mga trabaho.

Pero tila hindi daw naunaawaan ng kongresista ang depinisyon ng TUPAD kung kaya’t ginamit na pampalubag-loob sa mga staff nito ang pondo ng naturang proyekto na nakalaan para sa kanyang mga constituents.

Aba’y kung tutuusin ay asunto ang katapat nito dahil kamakailan lamang ay isang dating mambabatas din ang kinasuhan gamit na batayan ang mga pangalang inilista niya bilang benipisyaryo.

Hindi naman daw sinabi ng kongresista ang dahilan kung bakit hindi niya napasuweldo ang mga staff kaya nagtataka ang mga ito.

Sa pinakahuling balita, ipinangako naman daw ng kongresista na bago matapos ang 2022 ay ibibigay na niya ang suweldo ng mga staff pero hindi pa nagsasabi ang mga ito kung nangyari na ang naturang pangako.

Saan nga ba napunta ang pondong pampasuweldo ni Cong sa mga staff niya?

Sa kasalukuyan, dalawa ang uri ng mambabatas na miyembro ng Mababang Kapulungan, ang una ay ang mga kinatawan ng mga distrito at ang pangalawa ay ang kinatawan naman ng mga umano’y agrabyadong sektor o ang tinatawag na partylist.

Kung partylist o district representative ang kongresistang ito ay hindi ko na sasabihin pero ang apelyido nito ay prominente at ginagamit pa nga na call sign ng isang kilalang paliparan sa Asya.

Gets?

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on