WebClick Tracer

OPINION

Napuruhan ang Customs

Mistulang sinabon nang walang banlawan ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture sa hearing ng Senate committee on agriculture nitong Lunes. Kumbaga, bullseye o napuruhan sila.

Binasa kasi ni Senador Cynthia Villar, chairperson ng komite, ang listahan umano ng mga smuggler base sa lumabas na artikulo sa isang pahayagan.

Banat agad ni Senador Raffy Tulfo, kung hinuhuli ang sampung flight attendant ng isang airline dahil sa pagdadala ng sibuyas, bakit hindi natitimbog ang mga bigating smuggler sa bansa.

Tanong tuloy niya ay baka madalas bumisita sa tanggapan ng BOC at DA ang mga smuggler kaya nagbubulagbulagan ang mga ito. Sabi ng senador, baka “kainuman niyo pa gabi-gabi, baka ka-coffee niyo. Siguro nandyan pa sa opisina niyo baka naka-dekwatro pa, nakataas pa siguro ang paa sa mesa habang kinakausap kayo tapos siguro may dalang sako sakong salapi.”

Suportado rin ni Senadora Grace Poe ang teorya ni Tulfo na maaaring kabarkada ng mga ito ang mga smuggler sa bansa kaya hindi sila mahuli-huli.

May nakakalap naman tayong impormasyon na isang “Eugene” daw ang namamayagpag ngayon sa Aduana. Sa halagang isang milyong piso, madali nitong mailulusot ang mga container. Nakow, kaya naman pala.

Ang operasyon daw ng Eugene ay sa Port of Manila, Subic pati na sa Cebu. Napakalawak pala ng kamandag ni kolokoy. Mukhang Chinese raw ito pero hindi naman siguro niya kamag-anak ang kilalang sabungero sa bansa.

May mga nagsasabi na kaya raw malakas sa BOC itong si kolokoy, sinasangkalan nito ang pangalan ng isang Martin A. na kamag-anak daw ng First Family.

Aba’y kapag nalaman ito ni Pangulong Bongbong Marcos ay tiyak na boboldyakin nito ang gumagamit sa kanyang pangalan. Maging si First Lady Liza Araneta Marcos, galit din sa mga taong gumagamit sa kanyang pangalan.

Inamin na ni Pangulong Marcos na talamak na ang smuggling sa bansa kaya dapat itong matuldukan sa lalong madaling panahon.

“The smuggling, ‘yun talaga kailangan pa nating ano — kailangan talagang i-solve ‘yun. Masyadong laganap ang smuggling dito sa Pilipinas kahit na ano ini-smuggle eh. So, we have to really look into that and we have some very good ideas,” anang Pangulo sa interview habang sakay ng presidential plane.

Sana matuldukan din ang panggagamit sa pangalan ng First Family sa BOC. Hindi biro ang kalokohang ginagawa nila lalo pa’t ang taumbayan ang nagdurusa sa mga nagpapalusot ng epektos sa Aduana.

Dapat itong malantad sa publiko kung totoo man ito.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on