WebClick Tracer

OPINION

Problema sa nuisance candidates solusyunan na!

Isusulong daw ng Commission on Elections (Comelec) na gawing mas maaga ang pagpa-file ng certificate of candidacy (CoC) upang maresolba na ang paulit-ulit na problema sa mga ‘nuisance candidates.’

Sa tuwing matatapos kasi ang eleksyon, inuulan ang Comelec ng mga protesta sa mga nuisance candidates o ‘panggulo’.

Paagahin ang pagpa-file ng COC upang magkaroon ng sapat na oras ang Comelec na pag-aralan ang mga kandidato at agad matanggal ang mga kandidato bago pa man mag-imprenta ng balota. Sa ganitong paraan, pagdating sa botohan ay walang nuisance candidates sa listahan na magpapagulo lamang sa mga botante.

Alam naman nating lahat na ang misyon mga nuisance candidates ay lituhin ang mga botante at agawan ng boto ang kanilang mga kaapelyido o kapangalan para mapaboran sinumang kandidatong nagpatakbo sa kanila.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang pagsusumite ng COC ay sa unang linggo ng Oktubre habang ang pag-iimprenta ay sa Enero ng election year. Nasa tatlong buwan lamang ang palugit ng Comelec para suriin at desisyunan ang mga nuisance candidates.

Sa ganang amin, dapat ay matagal nang ginawa ng Comelec ang ganitong pagbabago. Matagal na nating nakita ang problema pero masyadong atrasado ang solusyon.

Pinakahuling nabiktima ng panggulong kandidato si congressman-elect Romeo Jalosjos Jr. ng unang distrito ng Zamboanga del Norte. Naproklama na si Jaloslos bilang winner laban sa kanyang mga katunggali na sina Roberto “Pinpin” Uy Jr. at Frederico “Kuya Jun” Jalosjos Jr. Itong si Kuya Jun ay idineklarang nuisance candidate by the Commission en banc.

Ang botong nakuha ni Kuya Jun ay ibinigay ng Comelec kay Romeo Jalosjos Jr. kaya naproklama ito noong June 23. Pero wala pang isang buwang nakakaupo si Romeo Jalosjos ay pinagbigyan naman ng Supreme Court ang apela ni Uy, nag-isyu ng status quo ante order kaya tinanggal si Jalosjos bilang congressman-elect. Wala tuloy kongresista ang distrito nito.

Dahil walang kongresista ang mga taga-Zamboanga del Norte ngayon, nganga muna sila. At ito’y dahil sa naging direktiba ng Korte Suprema.

Kung naisip sana ng Comelec na baguhin at paagahin ang pagsusumite ng COC eh di sana hindi makakapapel ang mga panggulong kandidato. Hindi sana mabababoy ang eleksyon. Hindi na sana aabot pa sa sitwasyong nawalan ng kinatawan sa Kongreso ang mga residente.

Comelec man o Kongreso ang mag-umpisa ng pagbabago, ang hiling naming ay gawin na ito sa lalong madaling panahon. Wag nang maghintay ng panibagong eleksyon kung saan may bababoy na naman at lalapastangan sa tunay na boto ng taumbayan.

Matagal na ang problema at alam naman natin ang solusyon kaya gawin na ito, NOW NA!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on